NANAWAGAN sa mga mamamayan si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na makipagtulungan sa kanila sa pagbabantay para matiyak na magiging malinis ang idaraos na May 13 National and Local Elections sa bansa.
Inamin ni Guanzon na hindi nila kayang bantayan ang lahat ng mga kandidatong lumalabag sa batas para sa halalan, kaya’t kailangan aniya nila ang tulong at kooperasyon ng taumbayan.
Sinabi pa ni Guanzon na kung talagang nais ng mga mamamayan na maging malinis ang eleksiyon ay makipagtulungan sila, maging mapagbantay at isumbong sa mga opisyal ng poll body ang mga makikita nilang maling gawi na may kinalaman sa halalan.
“Mga taumbayan, makibantay po kayo. Sabihin nila trabaho ‘yan ng Comelec, bakit hindi nila gawin? Maawa naman po kayo sa ‘min. Kung gusto niyo talaga ng malinis na halalan, tumulong po ang taumbayan sana,” panawagan pa ni Guanzon, sa panayam sa radyo.
“Ang hinihingi namin makibantay na lang din kayo dahil hindi namin kaya na bantayan lahat ‘yan,” ayon pa sa commissioner.
Inihalimbawa naman ni Guanzon ang mga insidente ng vote buying, gaya ng pamimigay ng mga gadget, pera at iba pang items ng mga kandidato sa mga botante, na dapat i-report sa Comelec officials sa kanilang lugar, gayundin ang pagkakaroon ng mga illegal campaign materials.
Nanawagan din siya sa mga botante na huwag magpasilaw at huwag ibenta ang kanilang boto sa karampot na halaga lamang.
“Sana matigil na ang vote buying para naman maayos itong election natin,” aniya pa. Sana ‘yung mga botante ‘wag na lang kayong magbenta ng boto n’yo kasi ‘yan mahirap para sa Comelec na bantayan at ‘yan talaga nakakasira sa election natin.” ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.