SINIBAK na sa puwesto bilang tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) si Director James Jimenez kaugnay sa umano’y pagkakasangkot nito sa nangyaring sigalot sa P14 milyon pagkakautang ng kontraktor nito sa Sofitel Plaza.
Kasabay nito ay ang pagrekomenda ng Task Force Pilipinas Debates 2022 Fiasco na pinamumunuan ni Commissioner Rey Bulay ng pagsasagawa ng pormal na imbestigasyon sa naunsiyaming debate.
Sa pahayag ni Bulay, isinumite na nila ang rekomendasyon sa tanggapan ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan matapos makakita ng sapat na batayan para sa pagsisiyasat.
Layon nito na makapagsagawa ng pormal na fact finding at administrative disciplinary investigation dulot ng pagkakasangkot ng ilang tauhan ng komisyon.
Inirekomenda rin ni Bulay ang pansamantalang pag-alis sa puwesto kay Asst. Director Frances Arabe na may kinalaman sa media relations.
Tuloy naman ang pagganap ng dalawang opisyal sa iba pang tungkulin sa Comelec habang magtatalaga ng mga pansamantalang kapalit nila. Jeff Gallos