COMELEC TALI ANG KAMAY SA SALN NG MGA KANDIDATO

comelec

TALI ang mga kamay ng Co

mmission on Elections (Comelec) hinggil sa isyung labis-labis na ang nagagastos ng mga kandidato sa pangangampanya sa kanilang campaign advertisements, bago pa man sumapit ang panahon ng campaign period, kahit pa lampas na ito sa nakasaad sa kanilang Statement of Asset, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Tugon ito ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) hinggil sa mga nagastos ng mga kandidato sa pagkasenador sa mga political advertisement, na lampas-lampas na anila sa kakayahan ng mga ito.

Paliwanag ni Jimenez, walang pakialam at hurisdiksiyon ang Comelec sa SALN ng mga kandidato.

Posible rin naman aniyang hindi sariling pera ng mga kandidato ang kanilang ginagamit sa pangangampanya dahil maaaring ang bulto ng ginagastos ng mga ito sa pangangampanya ay mula sa kanilang mga donor at sponsor.

“Doon sa tanong na anong gagawin ng Comelec, unfortunately wala tayong magagawa kasi wala namang pakialam ang Comelec sa SALN. Hindi kami involved sa pagkukuto ng SALN or pagche-check if sila ba ay living within their means,” ayon kay Jimenez, sa panayam sa telebisyon.

“Doon sa tanong na pa’no nangyari, hindi naman natin ine-expect na ginagastos nila ang sarili nilang pera. Mayroon silang mga donor, may mga sponsor ‘yan at doon nanggagaling siguro ‘yung bulto ng gastusin,” paliwanag pa niya.

Nilinaw pa ni Jimenez na wala rin silang pakialam sa ginastos sa premature campaigning ng mga ito dahil ang trabaho lang aniya ng Comelec ay mag-monitor sa panahon ng campaign period hanggang sa matapos ito.

Umaapela naman si Jimenez sa mga botante na maging mapanuri upang matiyak na karapat-dapat na kandidato ang iboboto nila sa halalan sa Mayo 13. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.