TINIYAK ng commission on elections (Comelec) sa publiko ang proteksiyon ng source codes ng Automated Election System (AES) na gagamitin sa May 9 elections matapos lagdaan ng ahensiya at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang escrow agreement.
Ayon kay Comelec Chairman Sheriff Abas, sa ilalim ng nasabing kasunduan ay masisigurong hindi magagalaw ang source code o instruksyon sa makina at iba pang system.
Samantala, sinabi niya na patunay ito na hindi na maha-hack ang naturang code.
Iginiit naman ni Senador Panfilo Lacson na dapat mas paigtingin ang pagbabantay ng Comelec sa posibleng unauthorized access sa kanilang mga datos.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na hindi na-hack ang kanilang servers kamakailan.
Ayon kay Lacson, napag-alaman ng kanyang cybersecurity team sa kanilang initial findings na posibleng extortion ang motibo ng pag-atake – pero posible na makompromiso ang integridad ng eleksiyon sa Mayo kung hindi maglalagay ng karagdagang pag-iingat ang Comelec.
“Darating ang panahon na mag-interface yan. Pag nag-interface, maaaring ma-compromise din ang Comelec. Yan ang nakakatakot,” ani Lacson.
Pagbabahagi ni Lacson, nalaman ng kanyang technical team na na-hack ang systems ng Smartmatic na posibleng extortion ang kanilang motibo.
Pinag-aaralan na ngayon ng kampo ni Lacson kung hanggang saan ang na-hack sa sistema ng Smartmatic. DWIZ882 (May dagdag na ulat si LIZA SORIANO)