NANAWAGANG muli kahapon si Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez sa mga kandidato at mga botante na “umayos” sa kabuuan ng panahon ng kampanyahan at sumunod sa itinatakda ng batas kaugnay ng halalan.
Ito’y kasunod na rin ng pag-arangkada na kahapon, Marso 29, ng local campaign period, na magtatapos hanggang sa Mayo 11.
Ayon kay Jimenez, dapat na magpakitang gilas na ang mga kandidato sa pagiging responsable sa mata ng mga botante.
Naniniwala ang Comelec na ang isang responsable at matinong kandidato na nais talagang magserbisyo sa taumbayan ay magiging masunurin din sa batas kahit hindi pa man sila naluluklok sa puwesto.
Nakikiusap din naman ang Comelec sa lahat ng kandidato na isaalang-alang ang kapakanan ng mga residente o komunidad na kanilang pupuntahan para sa kanilang mga campaign sorties.
Umapela rin ang Comelec sa mga magsasagawa ng motorcade o political rally na huwag nang dumagdag pa sa problema ng mga motorista sa masikip na daloy ng trapiko.
Hinamon din ng Comelec ang mga botante na samantalahin ang darating na halalan hindi para kumita mula sa mga kandidato kundi para pumili ng tamang kandidato iuupo sa puwesto.
Pinayuhan din nito ang mga botante na iwasan ang mag-solicit sa mga kandidato dahil ang pagbibigay ng mga ito ng donasyon ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas dahil maaari itong ituring na vote-buying o pamimili ng boto.
Sa ngayon naman, sinabi ni Jimenez na wala silang namo-monitor na anumang karahasan o untoward incidents sa unang araw ng kampanyahan at umaasa siyang magpapatuloy ito hanggang sa matapos na ang mismong araw ng eleksiyon sa bansa.
Ang midterm polls ay nakatakdang idaos sa Mayo 13. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.