IGINIIT ng Commission on Elections (Comelec) na wala itong obligasyon na magbayad sa umano’y nakabinbing halaga na dapat ayusin sa isang contractor para sa 2022 elections debate.
Sa isang panayam, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na sa kanilang abot ng pang-unawa at pagbabasa ng kontrata ay malinaw na walang obligasyon ang komisyon sa kontraktor na Impact Hub Manila para sa naturang nabigong debate.
Nitong Mayo 8 nang matanggap ng Comelec ang kopya ng “final demand” letter mula sa Impact Hub Manila na humihimok sa komisyon na magbayad sa sinasabing unsettled liability nito na nagkakahalaga ng P15.3 milyon. Ito ay kaugnay ng kasunduan na nilagdaan ng dalawang partido para sa pagsasagawa ng Pilipinas Debates sa 2022 polls.
“Despite our client’s repeated demands, both verbally and via email, the claims have remained unpaid. As such, please consider this as the final demand to coordinate and set a meeting with us to discuss the settlement of the outstanding balance,” nakasaad sa liham na may petsang April 27.
Nagbabala ang kompanya na magpapatupad ng legal remedies kung hindi mabayaran ang nasabing halaga.
Nanindigan si Garcia na ang Comelec ay walang nakabinbing obligasyon sa Impact Hub Manila.
Ipinunto ni Garcia na ito ay pubic funds at kailangang protektahan sa lahat ng gastos kaya napapailalim ito sa pinakamahigpit na mga patakaran sa pag-audit, mga patakaran sa disposal ng public fund.
Binanggit ni Garcia na nagkaroon ng problema sa pag-implement ng proyekto at dumating sa punto na napahiya ang Commission on Elections.
Tinutukoy ni Garcia ang insidente noong Abril kung saan dalawang Comelec-sponsored debates ang nakansela kasunod ng pagkabigo ng Impact Hub Manila na bayaran ang P14 miyong utang sa Sofitel- ang venue kung saan ginanap ang debate.
Anang opisyal, nagsagawa na ng imbestigasyon at inaasahan ang initial report sa susunod na linggo kung saan aabot sa 5 hanggang anim na Comelec personnel ang maaring sangkot sa kaguluhan ayon kay Garcia.
Kasong criminal, civil at administratibo ang isasampa laban sa mga mananagot, dagdag pa ni Garcia.
PAUL ROLDAN