Walang failure of elections na naganap sa katatapos na May 13 midterm polls nitong Lunes.
Ito ang ipinagmalaki kahapon ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa isang press briefing na isinagawa sa kanilang command center sa Philippine International Convention Center (PICC) nitong Martes ng tanghali.
Ayon kay Comelec Chairman Sheriff Abas, natuloy ang halalan sa buong bansa at natapos rin ito nang maayos at sa kanilang pagtaya ay ‘generally peaceful at successful’ ang eleksiyon.
Gayunman, inamin ng poll body na mas maraming vote counting machines (VCMs) at security digital (SD) cards ang pumalpak ngayong midterm polls.
Sinabi ni Abas na nakapagtala sila ng 961 VCMs na nagkaaberya at kinailangang palitan upang matuloy ang halalan.
Mas mataas ang naturang bilang kumpara sa 400 hanggang 600 VCMs na pagtaya ng poll body nitong Lunes, ngunit nilinaw na maliit na porsiyento lamang naman ito o 1.1% ng kabuuang 85,796 VCMs na ginamit nila sa eleksiyon. ANA HERNANDEZ
Comments are closed.