WALA umanong hurisdiksiyon ang Commission on Elections (Comelec) sa pagpapawalang-bisa sa resulta ng 2016 vice presidential race sa mga lalawigang kasama sa poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Comelec Spokesperson James Jimenez kasunod nang umiinit na isyu sa naturang poll protest ng dating senador, na nakasampa na ngayon sa Presidential Electoral Tribunal (PET).
Binigyang-diin ni Jimenez, ang PET ang siyang may hawak ng naturang kaso.
Paliwanag pa ng poll official, maaari lang ipawalang-bisa ng Comelec ang resulta ng halalan kung nagkaroon ng failure of elections sa isang lugar.
Samantala, maaari lamang naman aniyang magpawalang-bisa ng halalan ang PET kung nagkaroon ng ‘discrepancy’ sa resulta ng eleksiyon na higit sa 50% ng boto at kung hindi na kayang tukuyin kung lehitimo o peke ang ginamit na balota sa eleksiyon.
Kasabay nito, tiniyak din naman ni Jimenez na anuman ang maging desisyon ng PET sa poll protest ni Marcos ay nakahanda ang Comelec na gampanan ang kanilang tungkulin, lalo na kung sakaling kakailanganing magdaos muli ng halalan sa ilang kinukuwestiyong lalawigan.
Matatandaang kabilang sa mga lalawigang nais ni Marcos na mapawalang-bisa ang election result ay sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao. ANA ROSARIO HERNANDEZ