WALA nang atrasan sa pagtatayo ng common station na mag-uugnay sa LRT at MRT para maging kombinyente sa mga mananakay.
Pirmado na ng Department of Transportation at BF Corporation and Foresight Development and Surveying Company Consortium ang kontrata para sa Design and Build ng Unified Grand Central Station (Common Station Area A).
Ang Unified Grand Central Station o nakilala sa tawag na Common Station ay isang proyektong naglalayong mabigyan ng seamless o mas komportableng commuting experience ang publiko sa pamamagitan ng pag-uugnay ng apat na pangunahing railway lines (LRT1, MRT3, MRT7 at Metro Manila Subway).
Ang Common Station ay ilalagay sa north end ng EDSA, na intersection ng apat na railway lines – the LRT-1, MRT-3, MRT-7, at ang Metro Manila Subway.
Inaasahang nasa 500,000 pasahero kada araw ang makikinabang sa oras na matapos ito sa 2020.
Matatandaang walong taon ding naantala ang proyektong ito dahil sa mga usaping legal. Gayunman, sa loob lang ng unang 100 araw ng Duterte administration, sa pamumuno ni DOTr Secretary Arthur Tugade, agaran itong naresolba at pinasinayaan ang Common Station noong Setyembre 2017.
“Alam niyo ‘ho, ‘yung Common Station, matagal na ‘hong inumpisahan ‘yan. Nu’ng nag-umpisa po kami, nagkapit-bisig tayo kasama ang mga tinatawag na economic taipans at sinabi nila, ‘makikiisa kami sa inyo.’ Magsama-sama tayong bigyang buhay at bigyan ng katunayan ang tinatawag na Common Station na inaasam ng madlang bayan,” dagdag pa ni Tugade.
“November 28, 2006 – ‘yan po ang petsa kung kailan naaprubahan ang konsepto ng Common Station. Fast-forward to 2019, and we are now closer to what we have thought of more than a decade ago,” ayon naman kay DOTr Undersecretary Batan.
Ang konstruksiyon ng Common Station ay isa lamang sa maraming proyekto ng gobyerno sa ilalim ng Build, Build, Build Program.
Nakatakda naman ang groundbreaking ceremony para sa PNR Clark Phase 1 (Tutuban-Malolos) bukas, Pebrero 15 at ang groundbreaking ng Metro Manila Subway sa Pebrero 26.
Comments are closed.