QUEZON CITY – ISASARA sa mga motorista sa susunod na linggo ang intersection ng Commonwealth Avenue at Tandang Sora flyover upang bigyang daan ang konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT-7).
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sisimulan ang pagsasara ng kalsada alas-11:00 ng gabi ng Pebrero 23 sa apat na lane sa may Tandang Sora flyover at intersection sa Commonwealth Avenue Tandang Sora station at elevated guideway.
Sa isang pulong balitaan, pinaalalahanan ni MMDA General Manager Jojo Garcia ang mga motorist sa mabigat na daloy ng trapiko na idudulot ng naturang konstruksiyon at magtatagal ito ng dalawang taon na makaaapekto sa higit 100,000 motoristang bumabiyahe sa Commonwealth Avenue at 2,000 hanggang 3,000 motoristang tumatawid naman sa Tandang Sora intersection.
Ani Garcia, maglalagay ng isang temporary U-turn slot na may layong 500 metro mula sa Tandang Sora intersection upang makatulong sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa lugar.
Dagdag pa ni Garcia, nagmungkahi ang MMDA na maglagay ng elevated U-turn slot na yari sa bakal ngunit ang pagtatayo nito ay aabutin din ng tatlong buwan.
“Inutusan na natin si Director Neomie Recio ng MMDA Traffic Engineering Center para bisitahin ang lugar at pag-aralan kung saan ilalagay ang elevated U-turn,” ani Garcia.
Sa pag-uumpisa ng konstruksiyon ng MRT-7 sa susunod na linggo ay magtatalaga ang MMDA ng 154 personnel samantalang nasa 100 flagmen naman ang itatalaga ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Commonwealth Avenue upang makatulong sa pagmementina ng maayos na daloy ng trapiko sa lugar. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.