BILANG pagkilala sa mahalagang papel ng komunikasyon at impormasyon sa pagpapalakas ng bansa, naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang proklamasyon na nagdedeklara sa buwan ng Oktubre bawat taon bilang “Communications Month” (Buwan ng Komunikasyon) at tuwing ika-11 ng buwan bilang anibersaryo ng Presidential Communications Office (PCO).
Sa dalawang-pahinang Proclamation No. 308 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong ika-2 ng Agosto, ipinaliwanag ni Pangulong Marcos ang importanteng papel ng komunikasyon sa pakikilahok at pakikisangkot ng mga mamamayan at ng industriya ng media sa pagpapayaman ng kalidad ng pampublikong usapan ukol sa lahat ng mga usapin ng pamamahala.
Sa proklamasyon, binanggit na ang PCO ang mangunguna sa paggunita sa “Buwan ng Komunikasyon” at sa anibersaryo nito kung saan inatasan ang ahensiya na alamin ang mga programa, proyekto, at aktibidad para sa nasabing pagdiriwang.
Ang Communications Month ng PCO ay masasabing isang magandang pagkakataon upang pagtibayin ang kahalagahan ng komunikasyon sa gobyerno at sa ating lipunan.
Ang komunikasyon ay pundasyon ng anumang maayos at epektibong pamahalaan, at ang pangunahing layunin nito ay ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon, pagpapahayag ng mga polisiya at programa, at pakikipag-ugnayan sa mamamayan.
Sa modernong panahon, mas lalo nating nararamdaman ang kahalagahan ng maayos at responsableng komunikasyon.
Sa gitna ng paglaganap ng mga fake news, disinformation, at information overload, krusyal ang pagtitiwala sa mga opisyal na komunikasyon mula sa gobyerno.
Pinalalakas nito ang tiwala ng mamamayan sa kanilang mga pinuno at institusyon.
Sa Communications Month, dapat itaguyod ang mga patakaran at praktikal na nagbibigay-diin sa transparency, accountability, at inclusivity.
Dapat magkaroon tayo ng mas maraming oportunidad para sa feedback mula sa mamamayan.
Sa ganitong paraan ay mas mapapabuti pa ang mga serbisyong pampubliko. Gayundin, dapat paigtingin ang edukasyon tungkol sa tamang paggamit ng social media at digital platforms upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon o fake news.
Sa kaganapan ng Communications Month, ito’y isang pagkakataon din para iparating ang papel ng media sa ating demokrasya. Ang malayang pamamahayag ay isa sa mga haligi ng isang demokratikong lipunan, at ito’y dapat na itaguyod at respetuhin.
Kaya sa pangkalahatan, ang espesyal na buwan na ito ay hindi lamang isang pagdiriwang, kundi isang pagkakataon na magpamulat, magturo, at mag-udyok sa atin na maging mas responsable, makabuluhan, at epektibong mga mamamayan sa usapin ng komunikasyon at pagtutulungan para sa kaunlaran ng ating bansa.
At ito ay isang paalala rin na ang pagkakaroon ng malinaw at makabuluhang komunikasyon ay mahalaga sa pagsusulong ng demokratikong proseso at pampublikong kaalaman.