NAMAHAGI ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas kahapon ng mga buto ng gulay at fertilizers sa mga komunidad na kusang naglagay ng kanilang sariling garden o “community garden” upang matulungan ang mga ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay bilang karagdagang kita na susuporta sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya bunsod nakararanas COVID-19 pandemic.
Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar, ang “community garden” ay isang proyekto ng Urban Agriculture Program na may koordinasyon sa lokal na pamahalaan na ang tanging layunin ay matulungan at mabigyan ng pagkakataon ang mga residente ng bawat komunidad ng sariling garden bilang alternatibong kabuhayan.
Sa ilalim ng Urban Agriculture Program, isang seminar ang isinasagawa sa mga interesadong komunidad na gustong magtayo ng sarili nilang “community garden” kung saan pagkakalooban ang mga ito ng buto ng gulay at fertilizers para sa pagtatanim.
Bukod sa pagkakaroon ng tsansa na kumita sa pagtatayo ng “community garden”, maaari rin gamitin ng mga residente sa naturang komunidad ang kanilang mga aanihing gulay para magkaroon na rin sila ng ‘healthy living’.
Ang mga interesadong residente ay inaanyayahang makipag-ugnayan sa tanggapan ng Urban Agriculture Program o tumawag sa numerong 8519-5687 para sa iba pang mga katanungan sa naturang programa. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.