NAGPAHAYAG ng pagkalito si Senador Francis Pangilinan dahil sa magkaibang pahayag nina Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Cabinet Secretary Karlo Nograles kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nagtratrabaho sa Metro Manila na nakatira sa karatig lalawigan tulad ng Cavite, Bulacan at Rizal.
Ito ay matapos na ideklara ni Pangulong Duterte ang Community Quarantine sa Metro Manila o hindi makakapasok ang mga nasa labas at nasa loob ng Metro Manila dahil sa epekto ng paglaganap ng COVID-19.
Sa isang panayam matapos ang pahayag ng Pangulo ay nabanggit ni Año na kapag naipatupad na ang community quarantine ay maaari na pumasok ang mga nagtratrabaho sa Metro Manila ipakita lamang ang company ID.
Subalit, taliwas naman ito sa naging pahayag ni Nograles na walang makapapasok o makakalabas ng Kalakhang Maynila kapag naipatupad na ang community quarantine sa Marso 15.
Ayon Pangilinan, maaapektuhan dito ang dalawang milyon na nagtatrabaho sa Metro Manila kung kaya’t dapat resolbahan agad ang naturang isyu.
Ayon sa senador, maraming katanungan ang publiko na dapat na agarang sagutin at solusyunan ng Inter-Agency Task Force bago masimulan ang pagpapatupad ng community quarantine sa darating na Linggo. VICKY CERVALES
Comments are closed.