NAGSIMULA ito noong ika-15 ng Marso kung saan maraming piling lungsod sa ating bansa ang nagdeklara ng ‘community quarantine’ sa loob ng isang buwan. Ito ay laban sa pagkalat ng nakamamatay na sakit na mas kilala sa tawag na COVID-19. Ang lohika sa likod ng nasabing community quarantine ay upang maiwasan ang paghawa ng COVID-19 sa nakararami kapag ang mga tao ay nagkukumpulan sa mga pampublikong lugar.
Ayon sa pag-aaral, ang COVID-19 ay napapasa sa pamamagitan ng pag-ubo, hatsing o malapitan na pagsasalita sa mga tao. Bukod pa rito, nakahahawa rin ito kapag nakahawak ng mga bagay na nahawakan na taong may COVID-19. Naililipat ito pagkatapos magkamot ng ilong, mata o bibig. Dagdag pa rito, ang COVID-19 ay hindi nadadala ng hangin. Nakadikit ito sa bagay at sa tao. Kaya naman ang nasabing community quarantine ang nakikita ng pamahalaan na pinakamabisa at pinakamabilis upang hindi lumala ang pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa.
Saludo ako sa mga alkalde ng Metro Manila, gayundin sa mga gobernador at mayor ng ibang mga lalawigan at bayan na nakikiisa sa ginagawa ng ating pamahalaan. Masakit man at perwisyo ito sa ating pang-araw-araw na gawain at hanapbuhay, kailangan ay tumalima tayo rito.
Huwag na nating ikumpara ang mga mayaman na bansa sa kanilang mga pamamaraan upang labanan ang pagkalat ng COVID-19. Sila ay may sapat na testing kits para sa sakit na ito na wala tayo. Kung ganito ang sitwasyon, ano ang gagawin natin? Aangal at magmumukmok na lang tayo dahil kulang tayo ng testing kits para sa COVID-19?
Ang laban na ito ay hindi perpekto. Tulad natin, tayo rin ay nagkakamali. Subalit ito ay nagsisilbing leksiyon upang ayusin at pagbutihin muli para hindi maulit ang pagkakamali. Tama na ang sisihan. Suporta, unawa at suporta ang kailangan natin ngayon.
Tulad ng mga naririnig ko sa mga jeepney operator at driver na umaangal sa nangyayari dahil malaki raw ang bawas sa kanilang kita. Sa palagay ba nila ang mga ordinaryong manggagawa ay hind rin nababawawasan ang kita dahil arawan din ang kanilang suweldo? Bagama’t ‘di hamak na mas mayaman sa atin ang mga may mga negosyo na nagpapasuweldo sa kanilang mga empleyado, palagay n’yo ba ay hindi sila nalulugi ng libo-libong piso dahil sa pagsasara ng kanilang mga negosyo?
Tayong lahat ay tinamaan sa ibinabang kautusan ng ating pamahalaan. Walang pinipili rito. Mayaman man o mahirap. Ang kailangan dito ay pagkakaisa. Kung ano man ang perwisyong idinudulot nito, tanggapin at unawain.
Natatandaan ko tuloy ang mga kuwento ng aking mga lolo at lola, pati na ang aking mga magulang noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ikinuwento nila ang mga sakripisyo nila sa harap ng krisis ng digmaan. Ilang araw sila na walang pagkain. Naglalakad sila ng ilang kilometro upang makaiwas sa giyera. Walang malinis na tubig. Walang pampalit ng damit. Walang radio o telebisyon. Walang malambot na higaan.
Wala sa kalingkingan ang hinihingi na sakripisyo sa atin sa harap ng pagkalat ng COVID-19. Ang hinihiling lamang sa atin ay kung maaari ay manatili sa bahay na may telebisyon, malambot na higaan, malinis na tubig, may sapat na pagkain at malinis na damit. Kung may kailangan na bilihin, ilang lakad lang ay may malapit na tindahan sa ating komunidad.
Tama na ang angal. Unawain natin ang sitwasyon. Makibahagi sa laban ng pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa. Maghugas palagi ng kamay. Takpan ang bibig kapag may ubo at sipon. Panatilihin ang magandang kalusugan. Huwag magpuyat. Mag ehersisyo at higit sa lahat, iwasan ang mga mataong lugar. (Magkape muna tayo / Jera Sison)