SINABI ko na sa aking kolum noong nakaraang linggo na may mga isyu na hindi na dapat pinapatulan tulad ng mga pinagsasabi at batikos ng mga militante laban sa gobyerno. Tulad nitong pagsabi nila na may ‘transportation crisis’ daw tayo bunsod ng pagkasira at paghinto ng operation ng LRT at MRT kamakailan. Ang sabi ko nga, matagal na tayong may krisis sa trapik dahil sa kapabayaan ng mga dating namuno sa ating pamahalaan. Hindi pa ba malinaw ito?
Hinayaan ng mga dating administrasyon ang mga maling polisiya na maaaring may kapalit na ganansiya sa kanila. Kaya naman, nagkalat ang mga tricycle, pedicab, motorsiklo, bulok na mga pampublikong transportasyon, kasama na rito ang mga second hand na truck na maya’t maya ay nasasangkot sa aksidente dahil nawawalan umano ng preno!
Dagdag pa rito ang pagdami ng mga sasakyan subalit walang polisiya sa regulasyon ng mga lumang sasakyan na maya’t maya ay tumitirik sa gitna ng lansangan. Nakapag-aambag din sa paglala ng trapiko ang mga ito. Isama na rin natin ang mga lumang sasakyan na nakatambak lamang at nakahambalang sa mga sidewalk. Nagreresulta ito sa pagsisikip ng mga Mabuhay Lane natin.
Isama na rin natin ang mahina o palpak na pamamalakad ng ating MRT, LRT at PNR. Aminin na natin, mahirap talaga magtalaga ng ‘political appointee’ sa mga ganitong posisyon subalit ang katotohanan ay wala silang alam o karanasan sa pagpapatakbo ng mga ganitong opisina. Kadalasan tuloy ay napagdududahan na puro ‘Korean’ ang mga desisyon na ginagawa nila… para bang “magkano koryan?”
Sa katunayan, marami sa mga dating opisyal ng gobyerno ang nasampahan ng kasong katiwalian sa Ombudsman dahil sa ‘koryan’ na ‘yan!
Kaya naman nagtataka ako kung bakit pinatulan pa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang nabansagang ‘commute challenge’ ng media, mga oposisyon at mga militanteng grupo. Hindi na dapat patulan ito. Ang tawag nga riyan ay sala sa init, sala sa lamig, babatikusin ka pa rin kapag pinatulan mo ang mga ganitong klaseng hamon mula sa militante o kung minsan ay nagmumula sa media. Para naman sa mga ilang politiko na naghahamon ng ganito, sumasakay rin sila sa isyu para makilala sila.
Tama ang ginawa nina DOJ Sec. Menardo Guevarra at Foreign Secretary Teddy Boy Locsin. Hindi nila pinatulan ito, bagkus binalikan nila ang mga taong nag-uudyok ng ‘commute challenge’. Ayon kay Guevarra, walang saysay patulan ang nasabing hamon. Makadaragdag lang sa dami ng commuters kapag ang lahat ng mga opisyal at empleyado ay sumalang sa ‘commute challenge’ kaya naman mas lalala ang trapik.
Ika nga, ‘halatang obyus’ na may krisis tayo sa trapik. Alam natin ang ugat ng pagsisikip ng trapik. Alam din natin kung ano ang mga posibleng solusyon dito. Subalit kung personal na mapeperwisyo ang indibidwal na tao sa mga planong solusyon, magagalit at aangal ang mga ito. Aminin!
Tama rin ang sinabi ni Sec. Locsin, kung papatulan niya ang ‘commute challenge’, dapat ay hindi lamang ang mga opisyal ng kasalukuyang administrasyon ang gagawa nito. Isama natin ang mga opisyal ng nakaraang tatlong administrasyon dito dahil may bahid ng kasalanan din sila kung bakit ganito ngayon ang kondisyon ng trapik sa ating bansa.
Kaya ihinto na itong tinatawag na ‘commute challenge’. Ang mahalaga ay magsama-sama tayong lahat at handa tayong magsakripsiyo nang kaunti para sa ikaluluwag ng trapiko sa lansanagan. Iyan ang ‘challenge’ ko sa sambayanan!.
****
Nais kong batiin ang aking asawa na si Red Sison ng Happy 29th wedding anniversary. Kasabay nito ay ginugunita ko rin ang kaarawan ng aking ama na si dating Press Secretary at MTRCB chairman Jesus ‘Jess’ Sison. Kung nabubuhay pa siya ngayon dapat ay 89 years old siya. Ang araw kung kailan ako ikinasal at kaarawan ang aking ama ay ika-14 ng Oktubre.
Comments are closed.