UMABOT na sa 10,000 pirma mula sa mga commuter ang nananawagan na itigil o repasuhin ang Memorandum Circular 2019-025 o ang point to point (P2P) transport ng mga UV Express na ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ang ipinahayag ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers fo Commuters Safety and Protection kaugnay ng kanilang puspusang pag-sasagawa ng signature campaign sa mga mananakay ng UV Express sa buong bansa.
Kamakailan lamang ay sinimulan ang pangangalap ng lagda ng iba’t ibang grupo ng transportasyon upang maipakita sa mga darating na araw sa LTFRB ang dami ng bilang ng mga dismayadong commuter na kumokontra sa memorandum circular na ma-higpit na nagpapatupad ng terminal to terminal basis na inaalmahan din ng mga tsuper at operators ng UV Express.
Nauna rito, nagpahayag ng matinding pagkontra ang iba’t ibang asosasyon ng UV Express hinggil sa naturang memorandum ng ahensiya na hindi, anila, praktikal at magdudulot lamang ng pahirap sa mga mananakay ng UV Express.
Sa isang panayam, sinabi ni Inton na target nilang makapangalap ng 50,000 lagda mula sa mga dismayadong commuter sa buong bansa na umaalma sa nabanggit na patakaran ng LTRFB kung saan kanilang dadalhin ang mga pirma sa mismong tanggapan ng ahensiya upang maipakita ang napakaraming bilang ng commuters na tutol sa nasabing memorandum.
Nabatid na handa rin si Inton na dalhin sa korte ang naturang usapin para labanan ang nasabing hakbang ng pamunuan ng LTFRB. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.