COMMUTERS PUMALAG SA BAGONG POLICY NG TRB

INALMAHAN ng commuter advocate group na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang nakatakdang pagpapatupad na polisiya ng Toll Regulatory Board (TRB) hinggil sa 3 strike policy sa mga toll gate na hindi anila napapanahon.

Ayon kay LCSP Founder Atty Ariel Inton, dapat na ipagpaliban muna ang napipintong pagpapatupad ng 3 strike policy ng TRB dahilan sa dehado na naman rito ang hanay ng motorista.

Iginiit ni Inton na hindi napapanahon ang polisiya ngayong nananatili pa ang pandemya kung saan marami pa rin sa mga motorista ang hirap sa kasalukuyang sitwasyon.

“Dapat ba talagang ipatupad ‘yang three strike policy sa mga toll gates? dahil sa mga “insufficient balance” RFID?” mariing tanong ni Inton.

Nauna rito, nagpalabas ng anunsiyo ang TRB na simula Mayo 15, 2021 ay kanila nang ipatutupad ang polisiya at ipapataw na ang kaparusahan sa mga motoristang dadaan ng tollway na may “insufficient balance” sa kanilang RFID card.

Batay sa polisiya, sa first strike pa lamang ay ire-record ng LTO deputized enforcer ang violation sa data based at mag- iisyu ang TRB ng prescribed document proof of violation.

Sa pangalawang strike ay final warning at ito ay ire-record muli at bibigyan ng proof of 2nd violation habang sa third strike ay multang P1,000 at confiscation ng drivers license at traffic violation ticket sa isang motorista.

“Pero ang problema ay marami pa rin ang mga reklamo tungkol sa nawawalang load kahit hindi nagagamit, malimit na offline ng mga pinaglo-loadan at iba pang reklamo ng motorista na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan simula pa nitong nakaraang taon,” pahayag pa ni Inton. BENEDICT ABAYGAR, JR.

7 thoughts on “COMMUTERS PUMALAG SA BAGONG POLICY NG TRB”

Comments are closed.