PINAYUHAN ng Malacañang ang mga mananakay na magtiis-tiis muna sa pagtaas ng minimum fare ng mga jeep at bus.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kailangang tanggapin na lang talaga na masama ang panahon ngayon at magtiis na muna, ngunit siniguro nito na babalik din sa normal ang lahat sa oras na maisaayos na ang lahat.
“The message as always, this is just temporary. So hopefully when everything settles down, we will return to normal. We really have to take the brunt for now,” pahayag pa ni Panelo.
Sinabi nito na sa ngayon ay hindi pa makontrol ng gobyerno ang ilang mga bagay, “Dahil nga hindi natin kontrolado ngayon iyong panahon kung saan nagtataasan ang presyo ng langis, and apektado ang lahat, globally. But hopefully, that will taper down kasi history naman shows, bumababa rin naman ang presyo ng langis ‘di ba?”
Nitong Miyerkoles ay inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag pasahe ng minimum fare ng mga jeep na mula sa P9.00 ay magiging P10.00 na ito partikular sa Metro Manila, Central Luzon at sa mga lalawigang sakop ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Inaprubahan ang pagtataas ng pasahe sa jeepney at bus makaraang umangal na ang mga driver at operator sa walang humpay na pagtataas ng presyo ng diesel.
Comments are closed.