COMMUTERS WELFARE FUND GAGAMITING PANG-AYUDA SA ROAD ACCIDENT VICTIMS

Rep Frederick Siao-2

INIHAYAG ni re-elected Iligan City Rep. Frederick Siao na sa pagpasok ng 18th Congress ay maghahain siya ng isang panukalang batas para sa pagtatayo ng Commuters Welfare Fund.

Ayon sa Mindanao lawmaker, hindi kaila na maraming aksidente sa lansangan ang naitatala sa iba’t ibang panig ng bansa, na bukod sa nagdudulot ng sakit o pinsala sa katawan ng tao ay nagreresulta sa pagkasawi ng naging biktima.

Subalit ang dalamhating nararamdaman ng mismong mga biktima o kanilang kamag-anak ay nadaragdagan kapag sila ay nagka-kaproblema pa sa panggastos sa pagpapagamot at iba pa.

Bagama’t obligado ang lahat ng pampublikong transportasyon na magkaroon ng ‘insurance coverage’ hindi lamang para sa pinsala sa kanilang sasakyan kapag nasangkot sa aksidente, kundi ma­ging sa mismong nadisgrasya  nilang mga pasahero, sinabi ni Siao na batid namang hindi nakasasapat ito.

Kaya naman isusulong ng kongresista ang paglikha ng Commuters Welfare Fund na pagkukunan ng pondo para tustusan ang pagpapagamot at iba pang kailangang tulong pinansyal ng mga pasaherong biktima ng road accidents.

“The financing for the hospitalization, post-incident recovery, burial, and financial assistance to victims’ dependents can be sourced from this Commuters’ Welfare Fund,” sabi pa ni Siao.

Ayon sa Iligan City solon, ang pagmumulan ng nasabing welfare fund ay ang nakokolektang mga bayarin o multa sa mga drayber na nahuli sa paglabag sa batas trapiko.

Giit niya, dahil mayroon namang kaugnayan ang pagbabayad ng traffic violations sa anumang insidente na magaganap sa mga lansangan, ang nasabing pondo ay marapat lamang na gamitin bilang pang-ayuda sa mga madidisgrasyang pasahero.

“I will propose that the proceeds from fines be deposited in a Commuters’ Welfare Fund, so that aside from the comprehensive third party liability insurance, this Fund can be for the commuter-victims of road mishaps,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ng kongresista na pag-aaralan din niya kung mayroon pang ibang maaaring pagkunan ng pondo para sa ipinapanukala niyang ito, kabilang na rito ang mula sa PhilHealth o kaya’y sa road users’ tax.  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.