ALAM ng lahat kung gaano kahirap ang mag-commute lalo na kapag tag-ulan. Puwede kasi tayong mabasa, marumihan at ma-badtrip sa daan. Dahil diyan, narito ang ilang commuting tips na makatutulong sa atin kapag masama ang lagay ng panahon:
PALAGIANG PAGDADALA NG RAIN GEAR
Kapag tag-ulan, importante talaga ang pagdadala ng rain gear gaya ng payong, kapote, rainboats at sombrero para maiwasang mabasa sakaling biglaang bumuhos ang ulan. Pabigla-bigla ang pagbuhos ng ulan. May panahong mainit ang panahon sa paglabas natin ng bahay at maya-maya lang kung kailan nasa kalye na tayo, saka naman magsusungit.
Kapag hindi ka handa sa ganitong pagkakataon, tiyak na bukod sa tila magbabasang sisiw ka, maiinis ka pa. Maaari ka pang magkasakit. Kaya naman, pakatatandaan ang pagdadala ng kahit na anong panangga sa ulan sa tuwing aalis ng tahanan.
KUNG MAAGANG AALIS SA BAHAY, MAIIWASAN ANG RUSH HOUR
Mahirap bumiyahe kapag rush hour dahil tiyak na maiipit ka at hindi maiiwasang masiksik. Tiyak ding mahihirapan kang makasakay. Kaya naman, iwasan ang rush hour.
Kung maaga kang kailangang sa opisina, pumasok nang mas maaga. Iwas-stress at pagod din kung aalis ka ng mas maaga sa bahay dahil hindi ka magmamadali lalo na kapag na-traffic sa daan.
PANATILIHING NAKA-CHARGE ANG CELLPHONE SA TUWING AALIS SA BAHAY
Isa na nga naman ang cellphone sa hindi maihiwalay sa marami—matanda man o bata. Kaakibat na ang naturang gadget sa buhay ng bawat isa sa atin. Dahil din sa kahiligan ng marami sa gadget ay hindi na napapansing malapit nang ma-drain ang baterya nito.
Sa tuwing aalis ng bahay, siguraduhing fully charged ang cellphone. Kung mayroon namang power bank, dalhin ito nang sa-kali mang mamatayan ng cellphone ay mayroon pa ring magagamit. Importante pa namang palaging naka-charge ang cellphone lalo na kung maulan at malaki ang tiyansang ma-stranded tayo dahil sa sama ng panahon.
UMINOM NG MALINIS NA TUBIG
Maraming dulot na sakit ang tag-ulan. At ang madalas ngang nakokontamina ay ang pagkain at tubig. Bukod sa malinis na pagkain, tiyakin ding safe ang tubig na iyong iniinom.
Para matiyak ang kaligtasan, magbaaon o magdala ng tubig para hindi na bumili sa labas.
MAGDALA NG EKSTRANG SAPATOS O TSINELAS AT DAMIT
Dahil hindi naman naiiwasang nababasa tayo ng ulan, sabihin mang may dala-dala tayong rain gear, importante pa rin ang pag-dadala ng ekstrang damit, sapatos at tsinelas. Para sakali nga namang mabasa ka ng ulan ay may maipampapalit ka at magagamit.
Iwasan din ang pagsusuot ng madudulas na sapatos o tsinelas.
IWASAN ANG MADUDULAS NA LUGAR
Bukod sa madudulas na sapatos o tsinelas na kailangang iwasan, kailangan ding umiwas sa mga madudulas at delikadong lugar.
Ngayong tag-ulan, dumudulas ang daan kaya dapat ay mag-ingat tayo. Maging mapagmatiyag din. Piliin ang mga daraanang safe.
MAGING HANDA SA PANAHON NG EMERGENCY
May mga nangyayaring hindi natin inaasahan. Kaya naman, alamin ang mga lugar na ligtas. Kailangan din ay may nakahanda kang plano sakaling may maganap na emergency. Alam mo dapat kung ano ang gagawin mo at kung saan ka tutungo sa mga panahong may nakaambang sakuna o panganib.
MAGING UPDATED SA LAGAY NG PANAHON
Saan ka man naroroon—sa opisina man, tahanan o daan, napakahalagang updated ka o alam mo ang lagay ng panahon. Maraming paraan ngayon para maging updated sa lagay ng panahon. Nariyan ang social media na kinahihiligan ng marami. Kaya naman, huwag kaliligtaang alamin ang lagay ng panahon–nasa loob man o labas ng tahanan. Para rin ito sa iyong kaligtasan.
Maraming simpleng tips para maging handa at safe ang bawat isa sa atin. Mahalaga rin ang pagiging alerto lalo na kung nasa labas ka ng iyong tahanan. (Photos mula sa google) CS SALUD
Comments are closed.