SUGATAN ang 42-anyos na company driver nang sumabog ang isang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Sampaloc, Maynila, Biyernes ng gabi.
Kasalukuyan pa ring inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Romulo Perante ng Metro North Gas Corporation.
Naganap ang pagsabog dakong alas-11:30 ng gabi nitong Biyernes sa tindahan ng Metro North Gas Corporation sa Gelinos St. corner Laon Laan St., Sampaloc.
Isa sa mga tangke ang sinasabing biglang sumabog na dahilan kaya nagtamo ng ibat-ibang sugat sa katawan ang biktima.
Patuloy na inaalam ng Manila Fire district ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa insidente na sa paunang ulat ay posibleng dahil sa leak sa sumabog na tangke.