COMPANY DRIVER NIRATRAT, STREET SWEEPER SUGATAN

INULAN ng bala at patay ang isang company driver matapos pagbabarilin ng tatlong lalaki na sakay ng motorsiklo habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang isang street sweeper sa Sta.Cruz, Manila.

Dead on arrival na nang isugod sa ospital ang nasawi na si Johnny Etchore Jr., company driver ng Phil. Span Asia, ng Blk. 29 Lot 15 Brisas Subdivision,Tanza, Cavite.

Habang naka-confine naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang sugatang street sweeper na si  Belsie Retor, 49-anyos, nakatira sa 1478 Fugoo St., Sta. Cruz, Manila.

Batay sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, dakong ala-5:30 ng umaga ng mangyari ang insidente sa kanto ng Quiricada St., corner Rizal Avenue, Sta. Cruz sakop ng Barangay 334.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng testigong si Marilyn Sabido, vendor sa lugar, na tatlong hindi nakilalang lalaki na sakay ng kaniya-kaniyang motorsiklo ang responsable sa pagbaril sa biktima na lulan ng Suzuki APV mini van (UE 6373)  habang nakahinto sa stoplight at hinihintay na mag-go ang signal.

Dito na sunod-sunod na nilapitan ng tatlong suspek ang biktima at pinaulanan ng bala si Etchore habang si Retor ay kasalukuyan noong nagli-linis sa kalsada kaya tinamaan ng ligaw na bala sa tagiliran.

Matapos ang insidente, mabilis na humarurot ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Rizal Avenue southbound.

Isinugod naman ng ambulansiya ng BFP ang nasawi sa nasabing ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 20 basyo ng  bala at 6 na deform slug ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Hinala ng awtoridad na maaring paghihiganti o kalaban sa negosyo ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Patuloy pa rin ang pangangalap ng impormasyon at ebidensya ng pulisya sa tulong ng mga CCTV sa lugar para sa pagkakakilanlan sa mga suspek. PAUL ROLDAN

Comments are closed.