COMPENSATION LAW, MAGBABANGON SA MGA RESIDENTE NG MARAWI CITY

MAY pag-asa nang muling makabangon ang mga residente ng Marawi City matapos durugin ng digmaan ang kanilang lungsod, may limang taon na ang nakararaan.

Ito ang masayang pahayag ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance at sponsor ng Marawi Siege Victims and Compensation Act na isinulong niya sa Senado. Nitong nakaraang linggo lamang, nilagdaan ito ng Pangulo at tuluyan na ngang naging batas.

Ani Angara, bagaman napakatagal na hihintay ng mga kababayang Maranao ang pagpapatibay sa batas na ito, naging masaya pa rin sila dahil sa huli, muli nilang nakita ang pag-asa, lalo na ang mga naluging negosyo sa lungsod.

“Matagal na itong hinihintay ng ating mga kababayan sa Marawi. Nagpapasalamat tayo sa Pangulong Rodrigo Duterte sa pag pirma sa mahalagang batas na ito,” ayon kay Angara.

“Marami na ang nagawa sa nakaraang taon sa ilalim ng Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program (MRRRP) pero hindi makukumpleto ang proseso ng pagbangon ng Marawi kung hindi maibabalik sa normal ang buhay ng lahat ng naapektuhang residente,” aniya pa.

“Mas maagang tatayo ang Marawi City kung bibigyan ng kakayahan at kapangyarihan ang mga taga Marawi, kasama na rito ang pagbibigay ng bayad-pinsala sa kanila,” dagdag pa ng senador.
Sa ilalim ng naturang batas, sakop ng tax-free monetary compensation ang mga residente at business owners ng Marawi City na kabilang sa Most Affected Areas (MAA) at Other Affected Areas (OAA).

Kabuuang 24 barangays ang napasailalim sa MAA na kinabibilangan ng Lumbac Madaya, South Madaya, Raya Madaya 1, Raya Madaya 2, Sabala Amanao Sabala Amanao Proper, Tolali, Daguduban, Norhaya Village, Banggolo Poblacion, Bubong Madaya, Lilod Madaya, Dansalan, Datu sa Dansalan, Sangkay Dansalan, Moncado Colony, Moncado Kadilingan, Marinaut West, Marinaut East, Kapantaran, Wawalayan Marinaut, Lumbac Marinaut, Tuca Marinaut at Datu Naga.

Sakop naman ng OAA ang walong iba pang barangay na kinabibilangan naman ng Saduc Proper, Panggao Saduc, Raya Saduc, Lilod Saduc, Datu Saber, Bangon, Fort at Wawalayan Caloocan.

Tatanggap din ng kaukulang kompensasyon ang private property owners matapos ma-demolish ang mga pag-aaring establisimyento ng mga ito dahil sa pagpapatupad ng MRRRP.

At upang matiyak na maayos at malinis ang distribusyon ng kompensasyon, lilikha ang gobyerno ng isang Marawi Compensation Board na siyang personal na mamamahagi nito sa mga kinauukulang benepisyaryo. VICKY CERVALES