COMPETENT SECRETARY HIGIT NA KAILANGAN SA DOH

Joe_take

MATAPOS ang ilang anunsiyo sa mga indibidwal na bubuo ng gabinete ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang lahat ngayon ay nakatuon sa kung sino nga ba ang susunod na magiging kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan o Department of Health (DOH).

Ito ay isang napakahalagang anunsiyo sapagkat sa loob ng higit dalawang taon ay namuhay tayong lumalaban sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa loob ng mahigit dalawang taon, nagkaroon ng malaking epekto ang virus outbreak hindi lamang sa ating kalusugan, kundi pati na rin sa ating pamumuhay, trabaho, negosyo, turismo, at ekonomiya.

Dahil sa pandemya, ilang milyong mga Pilipino ang nawalan ng kabuhayan, napakaraming negosyo ang naapektuhan, at ilang bilyon na rin ang inutang ng Pilipinas sa ilang mga international lender at mga bansa para lamang puksain ang sakit na ito.

Dahil dito, higit na kailangan ng Pilipinas ng isang kalihim na may lubos na kaalaman sa pampublikong kalusugan na magbibigay sa atin ng tamang gabay upang ganap nang mapuksa ang pandemya.

Noong Huwebes, itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire habang wala pang napipiling opisyal ang pangulo upang mamuno ng DOH. Maaaring i-extend ang OIC status ni Vergeire kung wala pa ring mapapangalanang kalihim hanggang July 31.

Kahit OIC status man, maganda ang desisyong ito ng Pangulo sapagkat si Vergeire ay may higit na kaalaman sa sitwasyon ng COVID-19 sa ating bansa. Dagdag pa, siya rin ay walang takot na humaharap sa publiko upang sagutin ang lahat ng mga katanungan tungkol sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Batid natin ang urgency sa pagpili ng susunod na kalihim ng departamento, ngunit batid din natin ang kahalagahan ng pagpili ng tamang tao para sa posisyong ito—isang taong hindi lamang may lubos na kaalaman sa pamamahala ng departamento, kundi maiintindihan din ang mga kagustuhan ng Pangulo at ang pangangailangan ng bansa.

Maaaring napakaraming mga eksperto sa larangang medikal ang maaaring piliin ng Pangulo ngunit naniniwala akong isa si Vergeire sa mga may higit na kakayahan na dapat bigyang pagkakataon upang maging kalihim ng DOH lalo pa sa panahon ngayong patuloy ang pagtaas ng bilang ng bagong kaso ng COVID-19 na inaasahan pang magtutuloy-tuloy kung hindi agad maaagapan at kung patuloy ang mga mamamayan sa pagiging kampante sa paniniwalang sila ay ligtas na mula sa naturang sakit.

Ang pagtatalaga sa isang kalihim na may kakakayahan upang isaayos ang kagawaran ay isa sa magiging susi sa ating paglaban sa COVID-19.

Ngunit habang tayo ay naghihintay sa susunod na mamumuno, dapat ay ipagpatuloy pa rin natin ang mga basic protocol upang labanan ang sakit katulad ng paghuhugas ng kamay, pag-observe ng social distancing lalo na sa closed spaces, pagsusuot ng face mask, at pagpapabakuna ng pangalawang booster shot.

Kung hindi man si Vergeire, magtiwala tayo na pipiliin ng Pangulo ang pinaka-karapat-dapat na opisyal na mamumuno ng kagawarang ito.

Nauna na ang pagpili ni BBM sa kanyang economic team na umani ng papuri mula sa business community at sa sambayanan. Asahan nating pipiliin din niya ang karapat-dapat na opisyal para sa Kagawaran ng Kalusugan.