COMPETITIVE SALARY SA PUBLIC HOSPITAL DOCTORS

PUBLIC HOSPITAL DOCTORS

I-E-EXEMPT sa Salary Standardization Law (SSL) ang mga public hospital doctor para mabigyan sila ng mas malaking suweldo.

Sa House Bill 460 o ang An Act Granting Exemption to Medical Doctors from the Coverage of RA 6758 o SSL na inihain ni Masbate Rep. Elisa Kho, bibigyan ng  competitive salary ang mga public hospital doctor sa bansa upang mahikayat ang mga ito na hindi na mag-abroad.

Layunin din ng panukala na solusyunan ang problema sa kakulangan ng health workforce at makapagbigay ng quality healthcare at serbisyo sa mga Filipino.

Sa datos ng Professional Regulation Commission, mayroon lamang 72,000 na lisensiyadong doktor sa buong bansa kung saan may isang doktor sa kada 10,000 pasyente habang sa mga probinsiya ay nasa isang doktor sa kada 33,000 na tao ang ratio.

Malayo ito sa standard ratio ng World Health Organization (WHO) na 1:1000.

Inaatasan ang Department of Health (DOH) na magsagawa ng pag-aaral, review, revision, adjustment at siya ring magpapatupad sa comprehensive at competitive salary structure ng mga government doctor.

Sakop ng comprehensive salary ang mga public hospital doctor na kumpleto ng employment requirements at documents sa kanilang government service at nakapasa sa Board Examination of Medical Doctors.  CONDE BATAC

Comments are closed.