COMPOSTING, ORGANIC FERTILIZER ITINUTULAK NA GAMITIN

Senadora Cynthia Villar-7

ISUSULONG ni Senadora Cynthia A. Villar ang composting at paggamit ng organic fertilizer upang pangalagaan ang mga lupang taniman.

Sa kanyang video message sa 71st anniversary ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM), binigyan diin ni Villar ang paggawa ng organic fertilizer mula sa agricultural residues gaya ng tangkay ng palay at mais, dumi ng mga hayop, at iba pang bagay na maaaring ipalit sa inorganic/synthetic o chemical fertilizers.

“You are one with us in actively promoting organic farming methods especially producing organic fertilizer,” sabi ni Villar, chairperson ng Senate committee on agriculture and food, sa BSWM.

“Since we have many biodegradable wastes in our environment, I have been transforming them into useful things. We have many of them in our markets and in our own homes, so there is a need for a facility for them near our farms, trading posts and markets,” dagdag pa nito.

Ipinahayag ni Villar na puwedeng manggaling ang biodegradable wastes sa kusina at hardin ng bahay.
“We only need to collect and convert them into organic fertilizers or compost which can be used by our farmers most especially now that fertilizers are very expensive, and sometimes, they are not available for our farmers,” paliwanag niya.

Sinabi pa ng senador, chairperson din ng Senate committee on environment and natural resources na personal niyang ipinatayo ang 117 composting facilities sa buong kapuluan. Matatagpuan ang 67 sa mga ito sa kanyang bayan sa Las Pinas samantalang ang may 50 pa ay nasa Vista Land Communities.

“Villar SIPAG is included in this advocacy. We are distributing for free our organic production to our farmers plantitos/plantitas across the country,” ani Villar.

Sinimulan ng senadora ang adbokasiyang ito noong 2002 upang makatulong na mabawasan ang basura at maghikayat sa paggamit ng biodegradable wastes para sa malusog na lupa.

Binanggit din niya na layunin ng Republic Act 10068 o ang Organic Agriculture Act na naisabatas noong 2010, na palawakin ang organic agriculture sa Pilipinas. Nagtatakda naman ang RA 9003 o Ecological

Waste Management Act na paghiwalayin at bawasan ang basura sa pamamagitan ng recycling at composting.

Ayon pa rito, dahil sa mga tiwaling gawi o aktibidad sa lupa ay napapababa nito ng 38% ang sustansiya ng lupa.

“It is really important that we take care of our soil to have productive harvest and lower hunger, food insecurity in our country,” sabi pa ni Villar sa naturang okasyon na may temang, “Malusog na Lupa at Tubig na Sagana, Tungo sa Progresibong Agrikultura.” VICKY CERVALES