‘COMPREHENSIVE NUCLEAR REGULATION ACT,’ PASADO NA SA KAMARA

BATAAN NUCLEAR POWER PLANT

SA BILANG  na 206 boto ng lahat na mambabatas na dumalo sa sesyon  kamakailan, ipinasa na ng House of Representatives ang panukalang “Comprehensive Nuclear Regulation Act” (House Bill 8733) sa pangatlo at panghuling pagbasa nito. Layunin ng panukala ang pagtatatag  at patatalaga ng komprehensibo at legal na balangkas nang wasto at ligtas na paggamit ng nuclear sa bansa at lumikha ng  Philippine Nuclear Regulatory Commission (PNRC).

Binalangkas ni Albay Rep. Joey Salceda, at walo pang ibang mambabatas, layunin nitong tiyakin ang ligtas na paggamit ng nuclear sa kalusugan, medisina, enerhiya, sa kapaligiran sa bansa, lalo na sa ‘ionizing radiation’ nito, at kasangkapanin ito sa makabuluhang pagsulong ng teknolohiya at paglago ng industriya. Dalawa sa mga pangunahing may-akda nito ay sina dating Pangulo at ngayong House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Majority Deputy Leader Ron Salo ng Kabayan partylist.

Kasama sa mga tungkulin ng PNRC ang pagbalangkas ng mga alituntunin, pamantayan sa kakayanan ng mga kompanyang lalahok sa mga programa nito; regular na ins­peksiyon at pagpapanagot sa mga lalabag sa natu­rang mga alituntunin at sa mga kasi­raang lilikhain nila; pakikipag-ugnayan sa ibang ahensiya sa kalusugan, kaligtasan, kapaligiran; pagtiyak sa mabisang pangangasiwa sa mga ‘nuclear materials’ at basurang nuclear; at iba pa na naaayon sa mga alituntunin ng International Atomic Energy Agency (IAEA).

Binigyang diin ni Salceda na may akmang mga kaparusahan ang mga lalabag sa bagong batas kasama ang pagkabilanggo ng hindi hihigit sa limang taon at/o multang P1 milyon hanggang P5 milyon. May mandato rin ang PNRC na sumingil ng makatotohanang bayad para sa mga serbisyo nito na ilalagak naman sa Bureau of Treasury ng pamahalaan. Magtatatag din ito ng Nuclear Waste Management Fund mula sa benta ng lilikhaing koryente na gagamitin sa wasto at ligtas na pangangasiwa sa basurang ‘nuclear.’

Pamumunuan ang PNRC ng isang Commissioner na hihirangin ng Pangulo. Aagapayan siya ng apat pang  Deputy Commissioners at isang Executive Director na manga­ngasiwa sa mga tungkuling ehekutibo, administratibo at pagpaplano. Magkakaroon din ng Advisory Board ang PNRC na pamamatnugutan ng DOST Secretary bilang chairman, at Health Secretary bilang vice chairman. Kasama nila sa naturang Board ang mga Kalihim ng Departments of Energy, National Defense, Environment and Natural Resources, Agriculture, Trade and Industry, at mga limang iba pa mula sa akademya at mga pribadong organisasyon.

Sa ilalim ng panukala, ili­lipat sa PNRC ng kasaluku­yang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) ang lahat ng mga tungkulin, kapangyarihan, rekord, ari-arian at iba pa. Ganoon din ang Center for Device Regulation, Radiation, Health and Research ng Department of Health.

Kasama rin sa mga pa­ngunahing may-akda ng Comprehensive Nuclear Re­gulation Act ay sina Rep. Francis Ge­rald Abaya (Ca­vite), Maximo Rodriguez Jr. (Cagayan de Oro City), Gary Alejano, Divina Grace Yu (Zamboanga del Sur), Erico Aristotle Aumentado (Bohol), at Seth Frede­rick Jalosjos (Zamboanga del Norte).

Comments are closed.