COMPUTER SHOP NA TATANGGAP SA STUDES SA ORAS NG KLASE ISASARA

computer shop

TAGUIG CITY – IPINAG-UTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guil­lermo Eleazar ang mahigpit na pagbabantay sa lahat ng computer shop sa Metro Manila lalo na ang mga shop na matatag­puan malapit sa eskuwelahan upang maiwasan ang pag­lalaro ng mga estudyante ng online games sa oras ng klase.

Ang kautusan ni Eleazar ay bunsod nang maaktuhan ang 12 estudyante na senior high school habang ang mga ito ay naglalaro ng online games sa isang computer shop sa Makati City dakong 2:00 kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Eleazar, na batay sa Department of Education Order No.86 series of 2010 bawal pumasok sa mga computer shop, mall at sinehan ang mga estudyante kapag oras ng klase.

Dahil dito ay nakikipag-ugnayan na ang NCRPO sa local government units na maging aktibo sa pagbabantay sa mga estudyante na hindi pumapasok sa kanilang klase at inuubos ang kanilang oras sa paglalaro ng online games sa computer shops.

Ayon din kay Eleazar, may kapangyarihan ang lahat ng local government unit na magsagawa ng inspeksiyon sa mga naturang establisimi­yento.

Maliban dito ay sinabi ni Eleazar na nakikipagtulu­ngan na rin sila sa mga opisyal ng mga paaralan upang matiyak na hindi pakalat-kalat ang kanilang mga estudyante sa lugar na malayo sa paaralan.

Babala naman ni Eleazar na kanyang ipasasara ang mga computer shop at ilang establisimiyento kapag pumayag sa mga estudyante na maglaro ng online games sa oras ng klase. MARIVIC FERNANDEZ