NABAHALA si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa ‘long overdue’ na computer-based licensure examinations (CBLE) project ng Professional Regulation Commission (PRC) gayong dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang isabatas ang PRC Modernization Act of 2000 (Republic Act No. 8981).
Ito ang naging reaksiyon ng senador matapos sabihin ni PRC Commissioner Dr. Jose Cueto Jr. sa pagdinig sa Senado sa panukalang 2023 budget ng ahensiya na walang pondong nakalaan para magsagawa ng mga CBLE sa mga PRC regional office para sa susunod na taon.
“Dalawang dekada na ang dumaan matapos ipasa ang Republic Act No. 8981 at dalawang taon ng pandemya na ang lumipas, kaya very long overdue na ang kapasidad ng PRC para magsagawa ng malawakan at efficient na mga CBLE,” sabi ni Villanueva.
Sinabi ng senador na solusyon ang mga CBLE para makabawi ang PRC sa mga kanselasyon ng licensure exams dulot ng kalamidad o health emergencies gaya ng pandemya.
Ayon sa PRC, 11 sa 85 licensure exams lamang ang naisagawa ng ahensiya noong 2020. Umabot naman ng 62 sa 101 licensure exams ang kanilang naisagawa sa 2021.
Sinabi rin ng senador na apat na beses nang nakansela ang Licensure Examinations for Teachers (LET) sa pagitan ng 2020 at 2021.
Ayon kay Villanueva, nauunsiyami ang kabuhayan ng mga examinee dahil sa mga kanselasyong ito, at napipilitan pang maghintay ng hanggang anim na buwan para sa susunod na exam schedule kung saan kukuha pa sila ng slot kasabay ng bagong batch ng mga examinee at ng mga repeat examinee.
Sinabi ni Villanueva na “obvious solution” ang CBLE upang mas marami ang makakuha ng board exams lalo na iyong mga isinasagawa sa limitadong bilang ng testing sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Huwag na tayong maghintay ng 20 taon pa. We needed a fully functional CBLE years ago. We are eager to hear from the PRC its modernization plans for transitioning to a digitalized system of conducting licensure exams,” dagdag pa niya.
Inaatasan ng Republic Act No. 8981 ang PRC na magpatupad ng “full computerization of all licensure examinations by the various professional regulatory boards”.
Ayon sa datos ng PRC, isang CBLE lamang ang naisagawa nito noong 2021, at hanggang pito lamang ang maisasagawa nito ngayong 2022. Sinabi rin ni Cueto sa pagdinig sa Senado na wala pa ring kapasidad ng ahensiya na magsagawa ng mga CBLE sa karamihan ng mga PRC regional office. VICKY CERVALES