PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na nagsusulong para sa pagbuo ng isang Constitutional Convention (Con-Con) na siyang magrerekomenda ng aamyendahang probisyon ng 1987 Constitution.
Sa ginawang botohan sa plenaryo kahapon, umabot sa 301 mga kongresista ang pumabor, habang anim naman ang tumutol at may isa na nag-abstain para sa pag-apruba ng nabanggit na resolusyon.
Ang RBH No. 6 ay pangunahing iniakda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at Kabayan party-list Rep. Ron Salo, na siya ring chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs; habang si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, na chairman ng House
Committee on Constitutional Amendments, ay isa rin sa principal authors at nag-sponsor nito sa plenary deliberations.
Paggigiit ng mga mambabatas, tanging ang economic provisions lamang ng Saligang Batas ang pakay ng Constitutional amendments, sa layuning makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino at kinakailangang kita o koleksyon ng gobyerno para mapondohan ang pro-poor programs nito.
Ayon pa kay Salo, naniniwala siya na sa pamamagitan ng economic cha-cha kung saan dadagsa ang foreign investments, mabibigyan ng oportunidad ang Pinoy overseas workers na dito na lamang sa Pilipinas magtrabaho at hindi na kinakailangan pang iwan ang kani-kanilang pamilya para lamang maghanabuhay sa ibang bansa.
Sa panig naman ni Speaker Romualdez, sinabi niyang “the House aims to limit its Charter rewriting initiative to the restrictive economic provisions of the basic law, in the hope that the changes would pave the way for the country to attract more foreign investments.”
Muli ring sinabi ni Romualdez na ang pagbabago sa economic provisions ng Saligang Batas ang maaaring “final piece in the puzzle” upang ganap nang mapabuti ang economic at investment environment ng bansa. ROMER R. BUTUYAN