CONCERT NOW, IYAK LATER

perapera
By Earvin Salangsang

NABASA ninyo ba o napakinggan sa balita ang survey ng Visa na pang-apat tayong mga ­Pilipino sa Top Spenders sa Asia-Pacific region para sa mga live concerts?

Hindi na rin ako magtataka rito dahil natural sa ating mga Pinoy ang hilig natin sa musika at entertainment. At mayroon pa sa atin ang lalabas pa ng bansa makapanood lamang ng concert ng paborito nilang perfor­mers. Handa silang gumastos ng ma­laki makapanood lamang ng live concerts at personal na maranasan ang ganitong mga event.

Guilty ba ako dito? Siyempre, oo! Bilang isang Batang 90s  at solid Rivermaya fan, matagal ko na talagang pangarap ang reunion ng paborito kong banda at mapanood  sila nang live. Matapos ang mahigit dala­wang dekadang paghihintay, nito ngang Pebrero 17, nangyari ang pangarap kong concert. At si­yempre, nandun kami ng aking may bahay sa VIP section. Kita ninyo? Guilty!

Taliwas ba ito sa aking adhikain tungkol sa financial literacy? Kung hindi ito pinagplanuhan at pinag-usapan ay oo ang sagot diyan. Kung ginamit ang credit card o umutang nang walang inaasahang income para makapagbayad ay malamang Concert Now, Iyak Later ang magiging sitwasyon ko.

Hindi masama ang bigyan ng reward ang sarili paminsan-­minsan kung ito ay pinagpla­nuhan at ginawa sa disiplinadong paraan. Makabubuti rin ito sa atin upang makalimot ng sandali sa ating stress at mapanumbalik ng ating enerhiya matapos ang walang tigil na kayod sa trabaho. Pero paano nga ba maiiwasan ang Concert Now, Iyak Later na sitwasyon? Narito ang ilan sa ­aking tips:

  1. Kung gusto palaging mayroong paraan. – Kung gusto mo talaga ang isang bagay, gawan mo ng paraan upang makamtan at magkatotoo ito. Sa kaso ko, tumanggap ako ng mga consultancy service upang madagdagan ang kita ko. Ginamit ko ang extrang oras sa Sabado at Linggo upang kumita pa. Sa ganito, hindi lamang sa savings manggagaling ang budget para sa concerts kundi sa dagdag kita na rin.
  2. Know your priorities – Upang hindi magsisi sa huli, siguraduhin muna na lahat ng financial priorities ay natugunan na. Huwag sirain ang budget, sundin pa rin ang “Pay yourself” principle, magtabi pa rin para sa ipon at magbayad pa rin ng insurance. Tandaan pa rin ang formula na Income minus Savings equals Expenses.
  3. Planuhin ng mas maaga – Hindi lamang tickets ang gastos sa panonood ng concerts kaya naman na mahalagang planuhin ito ng mas maaga. Kasama riyan ang pagkain, pamasahe o kaya naman ay gasolina kung may sasakyan, hotel kung manggaga­ling pa sa malayong lugar, airfare sa mga ilan, at kasama na rin ang mga souvenirs. Gumawa ng listahan ng mga ito upang mas madaling maisama sa pagba-budget.
  4. Magbawas ng Discretio­nary Expenses – Mahirap ma­kaipon kung walang disiplina at sakripisyo. Makatutulong ang pagbabawas ng mga iba pang discretionary expenses upang maka-focus sa pag-iipon sa inaasam mong live concert. Halimbawa ay bawasan ang madalas na pagkain sa labas, pagbili ng mamahaling kape, pamamasyal at iba pa.

Mas madaling makaipon at mas enjoy ang concert kung sasamahan ng disiplinadong paggasta at responsableng pagpa­planong pinansyal.

Ang may akda ay Vice ­Pre­si­dent-Finance/­Comptroller ng DES Finan­cing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng ­serbisyong-pinancial sa mga ­retiradong sundalo ng AFP at ­kanilang mga benepisyaryo.