NAGHAIN ng resolusyon si Senador Win Gatchalian para busisiin ang minimum performance standards compliance ng toll operators na nakapaloob sa concession agreements nila sa pamahalaan kasunod ng kapalpakan sa Radio Frequency Identification Device (RFID), pati na ang kapangyarihan at mandato ng Toll Regulatory Board (TRB), ang ahensiyang namamahala sa operasyon ng lahat ng toll roads sa bansa.
Sa inihain niyang Senate Resolution No. 587 nitong Lunes, sinabi ni Gatchalian na nararapat lamang na mabusisi ang mandato ng TRB lalo na’t binigyan ito ng kapangyarihang humawak at mangialam sa lahat ng toll roads sa bisa ng Presidential Decree 1112 na siyang bumuo ng naturang ahensiya.
“Nararapat lamang na busisiin ang concession agreements ng tollway operators para malaman kung ginagawa ba nila ang kanilang mandato kaugnay ng kanilang kasunduan sa pamahalaan,” ang mariing pahayag ng senador.
Nanawagan din ang Vice Chairman ng Senate Economic Affairs Committee ng toll holiday lalo na’t marami pa rin ang nagrereklamong mga motorista laban sa depektibong RFID sensors na isang dahilan para magkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa mga expressway.
Mismong NLEX na, ani Gatchalian, ang umamin ng technical glitches sa kanilang sistema, kabilang na ang hindi gumaganang RFID sensors sa mga sasakyan. Nangako rin ng pamunuan ng NLEX na hahanap sila ng solusyon para mailatag nang maayos ang cashless transaction sa mga toll at mapabuti ang lagay ng trapiko sa expressways sa mga susunod na araw.
Ang ipinatutupad na cashless transaction o contactless transaction sa mga tollways ay bahagi ng hakbang para makaiwas sa impeksiyon ng COVID-19.
“Itong mga hindi gumaganang RFID sensors isama na ang dagsa ng mga sasakyan na nagpapakabit ng RFID stickers ang lalong nagpalala sa malala nang dagsaan ng mga sasakyan sa mga tollway,” sabi ni Gatchalian.
“Umamin na ang mismong pamunuan ng NLEX ng kapalpakan sa sistema. Hindi ba’t maliwanag na hindi sila naging handa bago ipatupad ang unang araw ng cashless transaction? Maliwanag na mayroong kapabayaan sa kanilang hanay kaya lumala ang problema ng trapiko sa mga tollways,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.