MAYNILA – NANINIWALA ang isang pari ng Simbahang Katolika na hindi solusyon ang paggamit at pagpapalaganap ng contraceptives sa paglobo ng teenage pregnacy sa bansa bagkus ay magkaroon ng makabuluhang pagpapaabot ng tamang impormasyon sa mga pamilya at kung paano pahahalagahan ang sarili at katawan ng bawat tao sa buong bansa.
Ito ang panawagan ni Fr. Norman Peña, dean of studies ng St. Paul Seminary kaugnay sa pagdami ng bilang ng teenage pregnancies sa Filipinas.
Paliwanag ng pari, kinakailangang muling tukuyin ng bawat pamilya ang pagkakaroon ng makabuluhang pagsasama at pagbibigay ng halaga sa bawat miyembro ng pamilya.
“We have to redefine how to be present to each other in a valuable way… kasi bago na ang mundo, globalization. How to be with one another that the other will value our presence. And that we can value the presence of the other, less na kasi ‘yan with modern technology,” ayon kay Fr. Peña.
Binigyang diin naman ng pari na hindi kailanman tugon sa suliranin ng maagang pagbubuntis ng kabataan ang pagtuturo sa paggamit ng contraceptives sa mga paaralan.
Iginiit ni Fr. Peña na ito ay band aid lamang na nagreresulta naman ng maling pagtingin ng kabataan sa kahalagahan ng kanilang katawan, seksuwalidad at tunay na pagmamahal.
Sa ulat ng Population Commission, 24 na sanggol ang isinisilang kada oras o 200 libong kabataang babae na nasa edad 15-19 ang nagbubuntis kada taon.
Nanawagan ang pari na sa halip na pagtuturo sa paggamit ng contraceptives mas mahalagang bigyang tuon ang pagtuturo ng pagpapahalaga sa katawan at ang tunay na pagmamahal. PAUL ROLDAN
Comments are closed.