CONE, LASTIMOSA PAPAGITNA SA PBAPC AWARDS NIGHT

TULAD ng kanilang ginawa noong nakaraan, sina Tim Cone at Jojo Lastimosa ay muling magsasalo sa spotlight sa pagtanggap sa dalawang pinakamataas na parangal sa PBA Press Corps Annual Awards Night ngayong Lunes sa Novotel Manila Araneta City.

Si Cone ng Barangay Ginebra ay gagawaran ng Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award, habang si Lastimosa ng TNT ay napiling Danny Floro Executive of the Year ng mga sportswriter na nagko-cover sa PBA beat.

Si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard Bachmann ang magiging guest of honor at keynote speaker sa formal event na itinataguyod ng ArenaPlus kasama ang Cignal TV.

Hosts sina Rizza Diaz at  Sev Sarmenta. Ito ang ika-4 na regular Coach of the Year honor para kay  65-year-old Cone, na ginabayan ang Kings sa pinakamahirap na  championship nang mamayani sila laban sa powerhouse guest team Bay Area Dragons upang pagharian ang Season 47 Commissioner’s Cup sa kapana-panabik na finals na umabot sa Game 7.

May-ari ng record 25 championships, si Cone ay una nang nagwagi ng award na ipinangalan kay late great Baby Dalupan noong 1994, 1996, at  2014. Napili siyang ‘Coach of the Bubble’ nang idaos ng liga ang Philippine Cup para sa nag-iisa nitong conference sa season sa kasagsagan ng pandemya noong 2020. Samantala, igagawad kay Lastimosa ang award bilang pagpupugay kay  late Crispa team owner Danny Floro, para sa kanyang kahanga-hangang pagganap bilang team manager ng Tropang Giga na nagresulta sa pagwawagi ng franchise ng unang kampeonato nito sa loob ng anim na taon sa Governors’ Cup. Sina Cone at Lastimosa ay may mahabang kasaysayan ng pagwawagi na magkasama sa kanilang panahon sa Alaska Aces kung saan ang kanilang coach-player partnership ay nagbunga ng siyam na championships para sa fabled franchise, kabilang ang 1996 grand slam.

Si Bachmann ay minsan ding naging bahagi ng Alaska team bilang player at sa huli ay bilang executive.

Ang iba pang awardees na kikilalanin ay ang  Gilas Pilipinas Team na nagwagi ng  gold sa 19th Asian Games (President’s Award), Jio Jalalon (Defensive Player of the Year), Roi Sumang (William Adornado Comeback Player of the Year), Jericho Cruz (Mr. Quality Minutes), CJ Perez (Scoring Champion), Jayson Castro (Order of Merit), ang quintet nina Justin Arana, Brandon Ganuelas-Rosser, Ato Ular, Encho Serrano, at Tyler Tio (All-Rookie Team), at San Miguel-TNT (Game of the Season).

Kabilang si PBA chairman Ricky Vargas kasama ang Board of Governors ng liga, at Commissioner Willie Marcial sa inimbitahang special guests sa awards night.