CONE PASOK SA GILAS PILIPINAS COACHING STAFF

MAKAKASAMA na si Barangay Ginebra mentor Tim Cone sa coaching staff ng Gilas Pilipinas.

Inanunsiyo ni TNT coach Chot Reyes noong Martes na sasamahan ni Cone ang national team coaching staff para sa FIBA World Cup, na iho-host ng bansa sa susunod na taon kasama ang Japan at Indonesia.

“I’m here to form the best team possible, not only the players, but also the coaching staff,” pahayag ni Reyes makaraang tanggapin ang kanyang ika-6 na Coach of the Year award sa PBA Press Corps Awards Night sa Novotel Manila.

Ang hakbang ay kasunod ng closed-door meeting sa pagitan ng mga top brass ng SMC Corp at ng MVP Group — dalawa sa pinakamalaking stakeholders sa Philippine basketball — ilang araw na ang nakalilipas kung saan isa sa mga tinalakay ang paghahanda para sa FIBA 2023 World Cup.

Makakasama ni Cone ang mahuhusay na coach sa staff ni Reyes na kinabibilangan nina dating New Zealand head coach Nenad Vucinic, fellow PBA champion coach Jong Uihico, UP champion mentor Goldwyn Monteverde, at Gilas youth tactician Josh Reyes.

Ito rin ang parehong formula na ginawa ni Reyes sa 2014 World Cup sa Spain nang kunin niya sina coach Tab Baldwin at Grand Slam coach Norman Black bilang kanyang top deputies sa coaching staff.

Hindi ito ang unang pagkakataon na magkakasama sina Reyes at Cone kung saan ang una ay naging deputy ng huli sa mga araw ni Cone sa Alaska at pagkatapos ay sa national team sa 1998 Centennial team.

Huling hinawakan ni Cone ang national team sa 2019 Southeast Asian Games, kung saan iginiya ang bansa sa gold medal finish. Ang gold medal streak ng Gilas ay nagwakas nang magkasya ang Reyes-mentored Gilas team sa silver sa 2021 SEA Games sa Vietnam. CLYDE MARIANO