NANAWAGAN si House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa mga bumubuo sa bicameral conference committee (Bicam) na naitalagang plantsahin ang magkakasalungat na probisyon sa P5.268 trillion na national budget para sa susunod na taon, na magkasundo upang i-realign o gamitin na lamang bilang pondo partikular sa pamamahagi ng ayuda ang P9.3 billion na confidential at intelligence funds.
Paggigiit ng teacher-solon, mas mainam pa na ang malaking bahagi ng naturang pondo, kung hindi man ang kabuuan nito, ay mailaan sa iba’t-ibang programa ng pamahalaan na direktang pakikinabangan ng mamamayan, lalo ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino, sa halip na ubusin sa hindi naman natutukoy na mga proyekto ng ilang ahensiya ng gobyerno.
“If all the P9.3B would be realigned to ayuda and P10,000 is to be per poor family, then at least 930,000 families or 4,650,000 poor Filipinos would benefit from it. If half of it would be realigned then, 465,000 families would get P10,000 and 2,325,000 individuals would benefit,” ang sabi pa ni Castro.
“Sa halip na mapunta pa sa mga proyekto o gawain na ‘di naman pinapakita sa publiko na paano nila ginastos ang bilyong-bilyong pondong galing sa taumbayan, ay gawin na lang ayuda ang CIF,” anito.
Sinabi ni Castro na ang P152 million CIF na unang nai-realigned ng Senate ay magandang panimula subalit naniniwala siyang hindi pa ito sapat sa ngayon.
“Mas malaking halaga ang dapat na kagyat na pakinabangan ng ating mga naghihirap na kababayan dahil sa taas ng implasyon, mababang sahod at kakulangan ng trabaho at ayuda,” dagdag nito. ROMER R. BUTUYAN