CONG. DALE CORVERA AT SEN. ROBIN PADILLA SUPORTADO SI DATING PANGULONG DUTERTE

WALA na sa kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte pero pilit pa rin siyang sinisiraan.

Patuloy siyang ginigiba, kasama na rito ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kanyang anti-drug war campaign.

Ngunit hindi naman siya nawawalan ng suporta.

Nariyan ang taumbayan at ang maraming mambabatas tulad nina Sen. Robinhood “Robin” Padilla at Agusan del Norte 2nd District Rep. Dale Corvera.

Naghain pa nga si Padilla ng resolusyon na nagtatanggol kay dating PRRD.

Aba’y iginiit ni Padilla ang “unequivocal defense” sa dating president sa pamamagitan ng Senate Resolution 488.
Well, hindi naman natin maaaring pigilan ang mga senador at iba pang mga mambabatas.

May kapangyariyhan silang gawin ito.

Nakasaad naman sa resolusyon ni Padilla na wala namang mali sa ating sistema.

Gumagana o “functioning” at independent daw ang ating judicial system.

Binalikan sa resolusyon ang tinuran ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isang malaking “insulto” at “totally unacceptable” ang pagsusulong daw ng ICC ng imbestigasyon sa sinasabing “crimes against humanity” ng bansa.

Kung susuriing mabuti, malinaw din namang nagkaroon ng “remarkable accomplishments” ang Duterte administration sa war on drugs.

Gaya ni Padilla, nanindigan din si Corvera na hindi dapat nangingialam ang ICC sa Pilipinas.

Isa si Corvera sa mga mambabatas na naghain ng House Resolution 780 sa pangunguna ni Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Siyempre, layon ng panukala na pagkaisahin ang mga miyembro ng Kamara na ipagtanggol si dating PRRD.

Nagsabi rin si Atty. Harry Roque kamakailan na walang pakialam si dating Pang. Duterte sa kahit na anong sasabihin ng ICC.

Ang mga pamamaslang at pang-aabuso raw sa ilalim ng war on drugs ng dating administrasyon ay isinisisi sa dating alkalde ng lungsod ng Davao.

Maging si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ay wala rin namang balak na makipag-coordinate sa ICC ukol dito.

Marami pa rin kasing kuwestiyon sa kapangyarihan ng ICC na maaaring ituring daw na pakikialam sa “internal matters” at banta sa soberenya ng ating bansa.

Bukod sa hindi tayo saklaw ng ICC, mayroong sariling pulis ang bansa at maayos din naman ang ating hudikatura.

At hindi pa raw kasi nasasagot ang mga kuwestiyon na ito at maging ang posibleng epekto nito sa soberenya ng bansa.

Abangan na lang siguro natin ang susunod na kabanata.