CONG. DATOL, NAGPASALAMAT KAY DUTERTE SA NATIONAL SENIOR CITIZEN COMMISSION

Rep Francisco Datol Jr

LABIS ang pagpapasalamat ni Congressman Francisco Datol, Jr., Kinatawan ng Senior Citizen Party-list at pangunahing may akda ng Republic Act No. 11350 o kilala sa tawag na National Senior Citizen Commission (NSCC) makaraang lagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging isang ganap na batas.

Ang pagkakatatag ng NSCC ay taos-pusong ipinaglaban at isinulong ni Datol sa Kongreso upang mabigyan ng sari­ling tahanan na kakali­nga sa kapakanan ng mga nakatatanda.

Ngayon na isa nang ganap na batas ang NSCC, inaasahang matutukan na nang maayos ang pagbibigay ng mga karampatang benepisyo ang lahat ng nakatatanda sa buong bansa na malaya at walang halong politika.

Ayon pa kay Datol, ang nasabing Commission ay pamamahalaan ng isang Chairman at anim na mga Commissioner na pipiliin mula sa mga hanay ng senior citizens organizations sa buong kapuluan.

“Sinisiguro ko sa inyo na magkaroon ng wastong representasyon ang Luzon, Visayas at Mindanao upang ang lahat na benepisyo ay makararating sa mga nakatatanda sa buong kapuluan,” diin ni Datol.

Nagpasalamat din si Datol kina Senate President Vicente Sotto III at dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo dahil sa kanilang malasakit para sa lahat na nakatatanda ay na­ging bahagi sa matagumpay na pagsasabatas ng NSCC.

“Nagpapasalamat din ako sa buhay na alamat ng mga senior citizen na si Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi nito ipinagkait ang tunay na diwa at pagkalinga sa mga nakatatandang Filipino sa pagpirma nito upang maging ganap na batas ang NSCC,” ani Datol.. “Sa pagkakatatag ng National Senior Citizen Commission ay maituturing na ang gobyerno ng Filipinas ay tunay na tumalima at kumikilala sa lahat ng mga naiaambag ng mga nakakatanda sa pagbuo at pagtayo ng isang matatag na bansa ng siyang naghahanda sa pagprotekta sa kapakanan at kinabukasan ng mga kabataan.”.

Comments are closed.