NAGDADALAMHATI ang buong lalawigan ng Benguet sa pagpanaw ng tinaguriang action man na si Congressman Nestor Bagtang Fongwan Sr., sa edad na 68.
Ang pagpanaw ni Fongwan ay inanunsiyo ng anak nitong si Benguet Board Member Nestor Fongwan Jr.,
Ayon sa nakababatang Fongwan, pumanaw ang kaniyang ama noong Miyerkoles ng gabi habang walang detalye kung ano ang sanhi nito.
Una nang inihayag ng pamilya ang dahilan ng pagpanaw ng kongresista subalit napaulat na may malubha itong komplikasyon sa kalusugan at matagal nang nananatili sa pagamutan.
Nahalal si Fongwan bilang kinatawan ng Benguet matapos talunin sina Kieth Thorrsson at Materno Luspian nitong May midterm elections.
Bago naging congressman, matagal na nanilbihan si Fongwan Sr., bilang konsehal ng La Trinidad, Benguet mula 1988-1992; at bilang bise alkalde noong 1992-1995.
Nanilbihan din ang opisyal bilang three-term mayor ng La Trinidad noong 1995-2001 at 2004-2007, bago nahalal bilang Benguet governor noong 2007 at nanilbihan ng tatlong termino hanggang 2016.
Sa mahigit 30 taong karera ni Fongwan sa politika, tinagurian siyang Action Man ng Benguet dahil sa mabilis na pagresponde tuwing panahon ng kalamidad.
Nakatanggap din ang Benguet ng iba’t ibang parangal at tulong sa ilalim ng panunungkulan nito bilang gobernador.
Kabilang sa makabuluhang kontribusyon ni Fongwan Sr., ay ang pagtatayo sa Benguet Sports Complex na isang 8,000-capacity gym at ng bagong gusali ng Benguet Capitol, gayundin ang rehabilitasyon ng mga farm-to-market roads para sa mga magsasaka sa lalawigan.
Pangunahing tinutukan nito sa kanyang mga adbokasiya ang mga senior citizens, estudyante, mahihirap na pasyente at lalo na ang mga magsasaka.
Ipinanganak si Benguet Congressman Nestor Bagtang Fongwan Sr. noong Hunyo 12, 1951. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.