CONG NOEL, ASAWA INASUNTO SA OMBUDSMAN (DSWD relief goods nire-repack para ibigay sa mga residente)

Inireklamo sa Office of the Ombudsman sa kasong qualified theft at paglabag sa  Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction Management Act of 2010 si Malabon Representative Jaye Lacson Noel, asawa nitong si Florencio “Bem” Noel at kasabwat na kagawad dahil sa umano’y pagre-repack ng relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development.

Maliban sa mag- asawang Noel kasama sa inireklamo si Kagawad Romulo Cruz.

Batay sa reklamo ni Rogelio Gumba, inamin nito na siya mismo ang inutusan ng kongresista na i-repack ang DSWD relief goods na para sa mga naapektuhan ng bagyong Carina.

Makaraan ang kanilang ginawang repacking kung saan kasama sa tumulong si Cruz ay saka nila dinala ang mga ito sa “White House” o ang headquarters ni Noel sa Tonsuya, Malabon.

Ani Gumba, ang bagong repacked na family food pack ay kanilang inilagay sa plastic bag na siya namang ipinamahagi ng mag-asawang Noel sa Brgy. Longos, Hulung Duhat at Tinajeros.

Inamin pa nito na mayroong kasamang canned goods ang relief goods ng DSWD subalit hindi nila ito isinama sa kanilang inirepack, aniya, mayroong mga social media posts ang kampo ng kongresista ukol sa pamamahagi nito ng relief goods sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina.

Una nang sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na illegal ang pag-tamper at repacking ng family food packs (FFPs). Aniya, walang karapatan ang sinuman na bawasan ang laman ng kanilang ipinamamahaging ayuda.

Ang bawat FFP box ay mayroong DSWD seal at may espesipikong laman gaya ng 6 na kilong bigas, 4 na canned tuna, 2 sardinas, 4 na corned beef, 5 sachets ng 3in 1 coffee at 5 sachets ng cereal drink na dapat ay kumpletong makukuha.

Sa ilalim ng Section 19 ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management, ang sinumang mapatutunayan na nag-repack o nag-tamper sa mga relief goods ng gobyerno ay maaring mapatawan ng multa na hanggang P500,000 at pagkakulong ng 6 hanggang 12 taon at pagdiskuwalika na makapagtrabaho sa gobyerno.

Sa ngayon ay wala namang tugon pa ang mambabatas ukol sa reklamo laban sa kanilang mag asawa.