WALANG tigil sa pagseserbisyo si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa kanyang nasasakupan.
Hindi lang paghahain ng mga panukalang batas ang pangunahing ginagawa ng mama.
Maliban daw kasi rito, malaking bahagi rin ng kanyang gawain bilang mambabatas ay ang pangangalaga sa kapakanan ng ating mga kababayan sa mga komunidad na sakop ng kanyang distrito.
Sa unang distrito, aba’y may mga programa at proyekto si Cong. Pulong na kung saan katuwang niya ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Kasama na nga rito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na ka-partner nila sa pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Ayon kay Cong. Pulong, mahigit 11,000 na ang bilang ng mga Dabawenyo na natulungan simula noong Oktubre ng nakaraang taon.
Siyempre, katuwang din ng tanggapan ni Cong. Pulong ang pribadong sektor sa paghahatid ng serbisyo sa kanyang constituents.
Nakipag-ugnayan din ang kanyang congressional district office sa Escandor Development Corporation (ESDEVCO) para sa donasyon nitong mga solar panels sa Jesus J. Soriano National High School sa Barangay Catalunan Grande.
Sinabi ng kongresista na “malaking tulong ang mga solar panels na mula sa ESDEVCO [para mabawasan ang] bayad sa kuryente ng paaralan.”
“Tugma rin ito sa adbokasiya ng inyong Kuya Pulong sa pangangalaga ng ating kalikasan sa pamamagitan ng paggamit ng mga renewable sources of energy.”
Tulad ni Cong. Pulong, super sipag at maaasahan din si Mayor Max Roxas ng Paniqui, Tarlac.
Laging numero uno sa prayoridad niya ang kanyang nasasakupan.
Kamakailan ay nagbayad ang tanggapan ng alkalde sa YVE Funeral Services sa pamamagitan ng kanyang personal na tseke na nagkakahalaga ng P330,000.
Aba’y para raw ito sa kabaong at serbisyong kanyang ibinigay para sa ating mga kababayang nawalan ng mahal sa buhay.
“Walang pinipiling pagtulong para sa ating mga nagdadalamhating kababayan, at patuloy na pagmamahal sa mga mamamayang Paniqueño ang alay ng ating Mayor Max, Vice Mayor Bien at kanilang pamilya,” saad sa statement ng tanggapan ng alkalde.
Namahagi rin si Mayor Max ng tig-P3,000 bawat isa sa mga barangay officials sa 35 barangays na sinasabing mula sa Socio Civic Financial Assistance na programa ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
“Ito ay tugon sa letter of request na ipinadala ng ating butihing Mayor Max sa opisina ng ating Pangulo upang mabigyan ng ayuda ang ating [mga] masisipag na barangay officials.”
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!