TINULIGSA ni Kusug Tausug Representative Shernee Tan-Tambut ang Twitter post ng investigative journalist na si Raissa Robles hinggil sa plano ni Cebu Mayor Christina Garcia-Frasco na nakatakdang maupo bilang Kalihim ng Turismo.
Sa kanyang bukas na liham sa Facebook, labis na nagpahayag ng pagkadismaya si Rep. Tan-Tambut sa tinuran ni Robles sa kanyang Twitter account na naisapubliko noong Hunyo 2 kaugnay sa plano ni Mayor Frasco na maging isa ring sentro ng turismo ang Mindanao.
Ayon kay Tan-Tambut, nagulat siya sa sarkastikong pahayag ni Robles na dadami lamang ang posibleng maging biktima ng pandurukot sa Mindanao kung palalaguin dito ang industriya ng turismo.
“I am utterly dismayed that a journalist like you, with connections to international papers, would carelessly suggest in a public forum like Twitter that tourists in Mindanao will be sitting ducks for kidnappers and other criminals. That is totally untrue. Mindanao is peaceful and progressive and its Muslim provinces are doing their best to contribute to our nation’s growth,” sabi pa ni Cong. Tan-Tambut sa kanyang bukas na liham sa Facebook.
Nilinaw ni Tan-Tambut na hindi niya tinitingnan kung salungat ang pananaw bilang oposisyon ni Robles sa papasok na administrasyon subalit dapat aniya ay maging isang responsable at maging patas bilang mamamahayag sa halip na may kikilingan.
Idinugtong pa ni Tan Tambut, na hindi dapat magpahayag ng maling palagay si Robles na kumukutya sa kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at katatagan ng lalawigan.
Sa huling bahagi ng kanyang liham, hinimok pa ni Tan-Tambut si Robles na magtungo ng personal sa Katimugang bahagi ng Mindanao upang saksihan ang kapayapaan sa kanilang lalawigan.