CONG. TAN, ASAWA KINASUHAN

Naghain ng reklamo si Lopez, Quezon Councilor Arkie Yulde laban sa mag-asawang sina Congresswo­man Angelina “Helen” Tan at Department of Works and Highways (DPWH) Ronnel Tan ng serious illegal detention.

Kabilang din sa kinasuhan si dating The Manila Times correspondent na si Jaime Aquino.

Kasama ni Yulde ang anak ni Jaime Aquino na si Jestin Aquino sa paghahain ng kaso. Kasabay nito, isiniwalat din ni Jestin ang ginawa ng ama na sangkot sina Tan.

Tumayong personal dri­ver, personal assistant, taga-asikaso ng lahat ng ginagawa ng ama at may alam sa lahat ng transaksyon ni Jaime.

Inamin ni Jestin na nakipagkita silang mag-ama kina Tan.

“Nakipagkita, nakipag-usap sa iba’t ibang lugar sa San Fernando, La Union, sa Makati, sa isang mall…

Nakipag-usap po kami kay Region 1 DPWH Engr. Ronnel Tan at kay Cong­resswoman Angelina “Helen” Tan,” pahayag ni Jestin.

Aniya pa ng anak ni Jaime, ilang beses itong nakipagkita sa mag-asawang Tan.

“Dito sa Makati City, sa isang mall, nakipagkita ho kami kay Engr. Rommel Tan, kay Congresswoman Helen Tan. Dala po namin ang mga dokumento, mga affidavit, affidavit ng mga witness tapos mga pekeng identification, mga pekeng medical certificate,” pagpapatuloy ni Jestin.

Sa magkahiwalay na araw, sinabi ni Jestin na muling nakipagkita silang mag-ama sa mag-asawang Tan upang ibigay ang mga pekeng dokumento na gagamitin laban kay Yulde.

Sa isang pagkikita nito, nakita umano mismo ni Jestin na inabutan ng mag-asawang Tan ang ama ng P3 milyon.

“Nilabas po ng aking ama ang complaint affidavit laban sa kanya ‘yun daw po ang gagamitin na pagsira ng kredibilidad ni Councilor Arkie Yulde. Ito po ang gagamitin para maipakulong si Councilor Arkie Yulde,” paliwanag pa ni Jestin.

Ayon kay Atty. Freddie Villamor, abogado ni Yulde, binigyan ng mag-asawang Tan si Jaime ng P30 milyon para sirain ang pangalan ni Yulde.

Nitong Huwebes, kinasuhan ang mag-asawang Tan at si Aquino ng serious illegal detention sa Office of the City Prosecutor of Makati.

Si Fiscal Susan Villanueva ang nag-sworn ng complaint.