CONG TEVES, 12 IBA PA IDINEKLARANG TERORISTA

KABILANG na si Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. at 12 iba pa sa mga idineklarang terorista.

Ito ay batay sa Resolution No. 43 ng Anti-Terrorism Council na inaprobahan nitong Hulyo 26 na nilagdaan nina Executive Secretary at Anti-Terrorism Council Chairman Lucas Bersamin, National Security Adviser at ATC Vice-Chairman Eduardo Ano, at Retired General Ricardo de Leon na director general ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Base sa resolusyon, sina Teves kasama ang iba pang indibidwal na sina Pryde Henry Teves, Nigel Electona, Hannah Mae Sumero Oray, Marvin Miranda, Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan,Winrich Isturis, John Louie Ganyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., Tomasino Aledro at Joemarie Catubay ay idineklarang “Teves Terrorist Group” na lumabag sa Sections 4, 6, 10 at 12 ng Anti-Terrorism Act batay sa mga nakalap na ebidensiya laban sa kanila.

“Based on verified and validated information, sworn statements, CCTV footage showing the assassination of Governor Degamo, the ATC found probable cause warranting the designation of Cong. Teves Jr and his armed group hereinafter referred to as “Teves Terrorist Group,” base sa resolusyon.

Ayon sa ATC, si Teves umano ang pinuno at mastermind ng naturang grupo habang sina Pryde Henry Teves at Nigel Electona ang nagbigay ng material support habang sina Oray ang nasa operational support habang si Miranda naman ang umaktong organizer at recruiter ng mga personnel na magsasagawa ng terrorist attacks.

Ang Teves terrorist group ay sangkot umano sa ilang insidente ng mga pagpatay at pananakot sa Negros Oriental na nagdulot ng takot sa mga mamamayan sa kanilang lugar.

Sa pagkakadelarang terorista ay awtomatikong i-freeze ang assets ni Teves at mga kasama nito.

Tinukoy sa resolusyon ng ATC ang paglusob umano ng armadong grupo na nagpanggap bilang mga sundalo sa tahanan ni Governor Degamo dakong alas-9:30 ng umaga noong Marso 4, 2023 habang namamahagi ng Pantawid Pamilyang Piipino Program (4Ps) sa local beneficiaries sa lalawigan.

Sampu katao ang namatay kabilang si Degamo at 13 iba pa ang malubhang nasugatan sa insidente.

Nagsampa na ng kasong multiple counts ng murder, multiple counts ng frustrated murder at multiple count ng attempted murder ang National Bureau of Investigation laban kina Teves at apat na iba pa sa Department of Justice. EVELYN QUIROZ/ PAULA ANTOLIN

OPS NG PNP VS PAGS PATULOY
HINDI ika-calibrate ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pinalakas na operasyon laban sa Private Armed Groups (PAGs) dahil lamang itinuring na ng Anti-Terrorism Council (ATC) na terorista si Negros Oriental Rep. Arnie Teves at ang grupo nito.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, BGen. Redrico Maranan, nananatiling nakapokus ang kanilang operasyon laban sa PAGs lalo na’t papalapit na ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections na itinakda sa Oktubre 30.

Ginawa ni Maranan ang pahayag makaraang hingan ng reaksyon ang PNP hinggil sa deklarasyon ng ATC.

Ayon kay Maranan, ang kanilang polisiya at mabigyan ng proteksyon ang mamamayan at estado laban sa kriminal habang tiniyak na malakas ang kanilang kampanya laban sa masasamang elemento.

“The policy and the campaign will still be the same. The campaign against PAGs will continue through aggressive and honest law enforcement operations,” ayon kay Maranan.
EUNICE CELARIO