NAKAKAPANIBAGONG panoorin ang PBA sa maaga nilang laro. Alas-10 pa lang ng umaga ay televised na ito ng One Sports kung saan unang naglaro ang San Miguel Beer kontra Blackwater. Ito ang unang laro ng pagbabalik ng PBA bubble pagkatapos ng apat na araw na sinuspinde ang games habang hinihintay ang bagong protocols mula sa IATF makaraang may magpositibo sa COVID-19 sa loob ng bubble. Ang unang tinamaan ng virus ay isang referee, na sinundan ng isang player ng Blackwater. Muli silang sumailalim sa tests na negatibo ang naging resulta.
Tinalo ng Beermen ang Blackwater, 90-88, sa overtime. Pinangunahan ni Mo Tautuaa ang kanyang team sa pagkamada ng double double, 26 points at 14 rebounds. Sa panalo ay umangat ang SMB sa 5-2 kartada.
o0o
Hindi na matutuloy ang Beach Volleyball Cup ng Philippine Super Liga dahil pananalasa ng bagyong Rolly. Ayon sa PSL, itutuloy ang naunsyaming laro sa Pebrero 2021.
Nakatakda sanang isagawa ang beach volleyball sa November 26-29 sa Subic Bay na may 16 teams na kalahok. Ngunit dahil sa pananalasa ng bagyo ay kinansela ito. Ayon sa PSL, matinding deliberasyon ang kanilang ginawa kung itutuloy ang tournament. At napagkasunduan ng bumubuo ng PSL na next year na lamang itong gawin.Tanging ang PSL na non-professional sport at women’s league ang inaprubahan ng IATF para mag-practice at magkaroon ng kumpetisyon.
o0o
Congratulations kay Coach Topex Robinson na na-promote na bilang full time head coach ng Phoenix Super LPG Fuel Masters. Si Robinson ang ipinalit kay cosch Louie Alas na hindi na ni-renew ang kontrata. Sa unang pagkakataon ay ngayon lamang naging head coach sa PBA si Robinson. Naging assistant siya ni coach Alex Compton sa Alaska at ni Alas.
Naging head coach naman siya sa NCAA sa team ng Lyceum na maganda ang ipinakita mula nang hawakan niya ito. Nanatili pa rin naman siya sa Lyceum bilang consultant at sports director ng eskuwelahan.
Comments are closed.