CONGRATULATIONS sa San Juan Knights na nag-champion sa MPBL Datu Cup makaraang pataubin ang Davao team.
Kinailangan pang dumayo ulit ang tropa ni coach Randy Alcatara sa Davao para doon nila sungkitin ang kampeonato. Binabati natin ang bumubuo ng San Juan Knights, sa pangunguna ni coach Alcantara, kasama ang kanyang coaching staff na kinabibilangan nina coach Gherome Ejercito at Yong Garcia, at ang mga player sa mahusay nilang performance. Si coach Alcantara ang napiling ‘Coach of the Year’ and he deserved it naman dahil sa galing ng pagko-coach niya at sa pag- motivate ng mga player. Isa kami sa natutuwa sa magandang kapalaran na dumating sa kaibigan naming si oach Alcantara na head coach din ng high school ng Mapua Cardinals, na mas kilala bilang Malayan High School. Minsan na ring napag-champion ni Alcantara ang Malayan High sa NCAA. More power, and more champions to come!
oOo
Natapos na ang Maharlika Philippine Basketball League, at muli itong magbubukas sa June 12. Kung noong nakaraang season ay may 26 teams na kahalok sa liga, ngayon ay magiging 32 teams na ito sa pagpasok ng anim pang koponan.
Ang sigurado na rito ay ang team Albay Volcanos na ang magiging coach ay si Monel Kallos. Buo na umano ang team. Ang isa pang malaki ang tsansa ay ang Pampanga at si coach Bong Ramos ang magmamando sa koponan. Malabo naman ang pagsali ng Olongapo, na minsan nang napabalitang nagkainteres na lumahok sa liga, dahil ang magiging head coach ng team ay kinuha na ng Imus, Cavite team,
Samantala, maraming teams sa liga ang nag-revamp tulad na lamang ng Muntinlupa, Imus, Laguna, at Pasig, Ang balita pa ng On The Spot, naghahanap ng head coach ang mga team ng Laguna, Muntinlupa, Navotas, Valenzuela, at Bulakan Kuyas. Good luck!
oOo
Sino kaya itong dalawang ex-PBA players na nagkaroon ng samaan ng loob? Ang siste, si ex-PBA player 1 ay kinuha si ex-PBA 2 na maging coach ng team nila. Nang dumating ex-player 2 ay nagpapanalo ang team. Nakailang sunod na panalo, pero lingid sa kaalaman ng lahat, si ex-player 2 ang nagko-coach, front lang si ex-player 1. Sumama lalo ang loob ni ex-player 2 nang tanggalin siya sa team na walang pasabi si ex-player 1 na gumaganap din na team manager ng koponan. Sayang naman dahil kahit papaano ay malaki ang naitulong ni ex-player 2 sa koponan. Pero sadyang ganoon ang buhay, kapag nasapawan na ang isang tao ay gumagawa ito ng paraan para mawala ang sumasapaw sa kanya dahil hindi na siya mapa-pansin ng kinauukulan. ‘Di bale, coach. makakakita ka rin ng tamang team para sa’yo.
oOo
Mahusay naman ang coach na ito, magaling kumuha ng sponsors at mahusay dumiskarte. Tuloy pa rin ang pag-inog ng mundo nito sa liga. Katunayan, may bagong sponsor na naman si coach, tsika namin posibleng mawala ang dating sponsors nila na nakatulong sa team. Paano hindi gagaling si coach, nakapagpatayo na ito ng isang magarang bahay at may bago nang tsekot. At deserved naman niya ang mga ito dahil pinaghirapan niya ang lahat ng kanyang mga naipundar. Puhunan niya ang magandang pakikipag-usap. Saludo ako sa’yo, coach, ang galing mong dumiskarte.