CONGRESS, NAPAPAYAG ANG RICE TRADERS AT IMPORTERS NA MAGBENTA NG P40 PER KILO SA NCR MARKETS

Mismong ang mga rice importer at traders na sa Bulacan ang magdadala at magbebenta ng murang bigas sa iba’t-ibang palengke sa Metro Manila simula sa susunod na linggo.

Ayon kay House Deputy Majority leader Erwin Tulfo, “ito ang ang ipinangako ni Celestino Marquez, pangulo ng Intercity Rice Mills and Traders sa Balagtas, Bulacan matapos makumbinsi natin sa pangunguna ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales ang grupo na ibenta diretso sa merkado ang mga bigas na hawak nila”.

Ayon kay G. Marquez, “pwede naming ibenta ang mga bigas namin diretso sa mga tao sa halagang P40 hanggang P45 per kilo.”

“Isasakay po namin ang aming mga bigas sa mga truck at paparada po kami sa mga palengke sa Metro Manila,” aniya pa.

Dagdag pa ni Tulfo, “this is a breakthrough and we are thankful na tutulong din itong mga negosyante sa pagresolba sa problema ng ating bayan.”

Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Laurel, “this is good news pero paplantsahin pa namin kung ilang kilo ang pwedeng bilhin araw-araw ng mga tao”.

“Kailangan naming bigyan sila ng permit (rice traders) na magbenta ng tingi o di kaya ibagsak nila sa 250 DA stalls sa NCR markets ang bigas nila,” dagdag pa ni Laurel.

Ayon naman kay Senior Deputy Speaker Gonzales, “this is the initiative of Speaker (Martin) Romualdez na kung pwede kausapin ang mga negosyante na tumulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas”.