BINIGYAN-DIIN ni House Deputy Minority Leader at Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) Party-list Rep. France Castro na mahalagang maimbestigahan ng Kamara ang pagbili ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) ng nasa 39,583 units ng laptop, na aabot sa halagang P2.4 billion kahit pa mayroong isang kapwa nila kongresista ang diumano’y sabit sa kuwestyunableng transaksyon na ito.
Sa panayam kay Castro, sinabi niya na sakaling katigan ng House leadership ang inihain nilang House Resolution no. 189, na nanawagan para maimbestigahan ang sinasabing anomalya, mabuti ring sumagot at maibigay ni Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co ang kanyang panig kapag ito ay isasalang sa House probe.
Ayon sa House Deputy Minority Leader, mayroon silang nakalap na impormasyon kung saan ang Sunwest Construction and Development Corp., na pag-aari ni Co, ay isa sa tatlong korporasyon na nag-joint venture; na silang nanalo sa bidding at nabigyan ng kontrata ng DBM-PS para sa suplay ng nasabing mga laptop.
Aminado naman si Castro na nangangamba siya sa kung ano ang kahihinatnan ng kanilang inihain na HR 189 dahil maituturing na isang ranking House official si Co, na chairman ng makapapangyarihang House Committee on Appropriations; ang komite na naghihimay at nag-aapruba sa panukalang pambansang badget.
“May worry ako kasi may involved na member ng Kongreso at ganoong ka-powerful ‘yung komite n’ya, so I doubt. Pero sana naman makita ni Speaker ‘yung wisdom ng resolution namin na ito,” sabi pa ng lady party-list solon.
Sa ilalim ng HR 189, iginiit ng Makabayan bloc, na pinangungunahan ni Castro, na maihahalintulad sa P8.68 billion na overpriced PPEs at test kits na binili rin ng DBM-PS sa Pharmaly ang “supply and delivery” contract na ibinigay ng huli sa joint-venture ng Sunwest Construction and Development Corp., LDLA Marketing and Trading Inc. at VST ECS (Philippines) Inc. para sa P2.4 billion purchase ng laptops.
Base mismong sa report ng Commission on Audit (COA), kuwestyunable ang P58,300 na presyo per unit ng laptop ng itinakda ng DBM-PS at sa pag-apruba nito sa bid ng tatlong nabanggit na joint-venture corporations na P58,270 per unit dahil lumalabas na P35,046.50 kada laptop lamang ang request ng Department of Education.
Samantala, naghain din ang Makabayan bloc ng House Bill 3270, na nagmumungkahing buwagin na ang DBM-PS dahil sa dami ng kinasangkutan nitong anomalya particular ang overpricing at fund parking. ROMER R. BUTUYAN