TAHASANG kinuwestiyon ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang plano ng Land Transportation Office (LTO) na muling kunin ang dati nilang IT provider na may anim na taon nang nagpaso ang kontrata.
Ayon kay Herrera, bagaman may ibinigay na paliwanag ang LTO kaugnay sa usapin, sinabi niyang kailangan pa ring busisiin ang gagawin na ito ng ahensiya.
Aniya, marami sa publiko na nakararanas ngayon ng serbisyo ng LTO ang kuntento sa automated processing ng ahensiya, kaya’t hindi umano niya naiintindihan kung saan nagmumula ang pakiusap na ibalik ang dating IT provider nito dahil sa nararanasan nilang “glitches” sa kasalukuyang systems provider.
Mababatid na mula 2018, ang Dermalog Identification Systems na isang German company ang nagsisilbing IT systems provider ng LTO na pumalit sa dating systems provider nito na Stradcom Corporation na may P7.53- billion worth contract sa LTO mula 1998 hanggang 2016.
Sa isang pahayag sa media, kinastigo ni LTO Chief Teofilo Guadiz ang serbisyo ng Dermalog na aniya’y hindi maaasahan at malayong mas episyente ang serbisyo ng Stradcom. Dahil dito, makabubuti aniyang muling sumailalim sa bidding ang service providers na kinabibilangan ng Stradcom para sa kanilang ahensiya.
Ani Herrera, ang naturang pahayag ni Guadiz ay hindi naaayon para sa isang opisyal ng gobyerno, lalo pa’t personal niyang pinupuri ang isang service provider na maaaring lumahok sa contract bidding para sa kanilang tanggapan.
Gayunman, ayon sa mambabatas, hindi nila isasantabi ang hinaing na ito ni Guadiz, kaya’t hiniling niya ang pagkakaroon ng pagdinig ukol sa usapin.
Napag-alaman pa na nang matapos ang kontrata ng Stradcom sa LTO noong 2016, inatasan ito ng ahensiya na i-turn over sa kanila ang kumpletong database ng mga motorista dahil ito ay legal na pagmamay-ari naman ng LTO.
Bigo ang Stradcom na ibalik ang database ng transportation office na nagiging dahilan naman upang magkaroon ng sigalot sa IT works ang Dermalog.
“Bakit kailangang bumalik sa lumang service provider kung maganda naman ang serbisyo ng kasalukuyan? Isa pa, may pondo naman ang LTO para sa upgrading ng kanilang sistema kung kinakailangan? Sa tingin natin dito, puwede itong pagdudahan ng publiko kaya’t kailangan ang pagbusisi ng Kongreso sa usapin,” ani Herrera.
“Sa mga naging konsultasyon ko sa ilang key stakeholders, kuntento naman sila sa serbisyo ng Dermalog sa LTO. Unang-una, hindi na kinakailangan ang pagpapataw ng interconnectivity fees para sa rehistrasyon ng mga motor vehicles, driver’s license transactions at sa law enforcement and traffic adjudication service transactions. Dati, umiiral ang mga bayaring ito, pero ngayon, wala na,” dagdag pa ni Herrera.
Sinabi pa ng mambabatas na taliwas sa pahayag ng LTO na puro problema o glitches ang nararanasan nila sa Dermalog, marami ang nagpapahayag na ang glitches na ito ay dahil umano sa human interventions o manual overrides ng mga tauhan mismo ng ahensiya.
Ani Herrera, sa puntong ito, kinakailangan ang imbestigasyon ng Kongreso upang maresolba ang suliraning ng LTO sa kanilang IT situation, at mabatid kung ano ang tunay na problema ng ahensiya sa kasalukuyang service provider.