PAMPANGA- MATAPOS na kumpirmahin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na illegal substance ang kahina hinalang bagahe na pinigil ng Bureau of Custom Port of Clark ay ikinasa ang isang controlled delivery operation laban sa consignee na tatangap ng kontrabando sa Mabalacat sa lalawigang ito.
Sa joint operation ng BOC-Clark at PDEA sa Mabalacat City, naaresto ang isang 28-anyos na lalaking claimant dahil sa paglabag sa R.A. 9165 na may kaugnayan sa Seksyon 1401 ng CMTA, at kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng PDEA.
Nabatid na mahigit sa P300, 000 ng Marijuana oil ang nasamsam ng mga tauhan ng BOC at PDEA sa joint operation nito na nagresulta sa pagkaka-aresto sa nagsilbing claimants.
Ayon sa BOC, isang shipment ang dumating noong Hunyo 16, 2024 kung saan idineklara itong naglalaman ng mga kandila at isinailalim sa x-ray scanning na nagpapakita ng hindi pangkaraniwang mga larawan at maging ang K-9 sniffing dog ay nagpahiwatig din ng posibleng pagkakaroon ng ilegal na substance.
Dahil dito, isinailalim sa pisikal na pagsusuri ang nasabing kargamento na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 12 plastic na lalagyan ng 5,888 gramo ng madilaw-dilaw na malagkit na substance.
Ang mga sample ay isinailalim sa field testing na nagbabasa ng posibleng presensya ng cannabinoid.
Pagkatapos nito, ang mga sample ay inilipat sa PDEA para sa Chemical laboratory analysis na nakumpirma na ang nasabing mga substance ay naglalaman ng Tetrahydrocannabinol o Marijuana, isang mapanganib na gamot sa ilalim ng R.A. No. 9165. VERLIN RUIZ